Panoorin: Karera ng mga mister habang buhat ang kanilang misis, nakunan sa Albay




Image capture mula sa Youtube video ng ABS-CBN News
  • Mapapanood sa bayan ng Jovellar sa Albay ang karera kung saan pinapasan ng mga mister ang kanilang misis hanggang sa finish line
  • Layunin ng palaro na ipaalam sa mas nakababata ang sinaunang gawain ng mga mag-asawa sa malalayong lugar at kabundukan
  • Ipinakita rin dito ang pagkarga ng mga kalalakihan sa kanilang asawa para tulungan ito na makatawid sa ilog
Image capture mula sa Youtube video ng ABS-CBN News

Kinaaliwan ang kakaibang karera na nakunan sa bayan ng Jovellar sa Albay.

Sa ulat ng programang Bandila ng ABS-CBN noong August 27, mapapanood ang iba’t ibang diskarte ng mga mister sa pagkarga ng kanilang mga asawa hanggang sa maabot nila pareho ang finish line.

Umabot sa siyam na pares ang lumahok sa “Karga an Agom” race sa lugar. Nasa 600 metro ang kinakailangang takbuhin ng kalalakihan habang buhat nila ang kanilang misis.

Taun-taon umanong ginaganap ang karera upang patuloy na ipaalam sa mga kabataan ang ginagawa ng mga mag-asawa sa kanilang bayan, lalo na iyong mga nakatira sa malalayong barangay.

“Sa aming bayan, may mga malalayong lugar na may mga ilog na walang tulay,” ayon sa organizer ng palaro na si Pura Laguilles. Dagdag niya, “Ginagawa po ng mga asawang lalaki, kinakarga ang kanilang mga asawang babae para po makatawid sa ilog.”

Nagwagi naman sa karera ang mag-asawang Amorsolo at Evangeline Balation.

Sa kaniyang panayam sa programa, sinabi ni Evangeline ang ginawa nilang paghahanda bago sumapit ang araw ng palaro.

Image capture mula sa Youtube video ng ABS-CBN News

“Siya, nagpractice siya. Tapos ako, iyon, hindi masyadong kumain lalo na ngayon, hindi kumain para magaan,” ayon sa misis.

May nagpahayag rin ng kanilang pagnanais na sumali muli sa karera sa susunod na taon. Bagma’t isa lang ang itinanghal na panalo, makikita naman na nagtulungan ang mga mag-asawang sumali sa karera.

Mapapanood ang video ng karera sa ibaba:

Source :

Youtube, ABS-CBN