Panawagan sa social media na breastmilk para kay Lexi, tinugunan ng mga nanay




Imahe mula kay Abigail Rica at John David Borre via Facebook
  • Sa kaniyang Facebook account idinaan ni John David Borre ang paghingi ng breastmilk para sa 1-buwang sanggol na si Lexi
  • Sumakabilang buhay ang ina ni Lexi kamakailan lang dahil sa dengue
  • Dahil sa panawagang ito, maraming mga nanay ang nagbigay ng kanilang breastmilk bilang donasyon
Imahe mula Facebook

Mahalaga ang pagpapainom ng breastmilk sa mga sanggol na kakapanganak pa lamang. Ngunit paano kung ang ina na dapat magbibigay ng kaniyang naturang gatas sa kaniyang sanggol ay hindi inaasahang yuma0?

Ganito ang naging kalagayan ngayon ng isang buwang sanggol na si Lexi. Ang ina ng sanggol na si Cristine Kate Ang ay hindi inaasahang sumakabilang buhay. Naulila ni Cristine ang kaniyang mag-ama.

Dahil sa pangyayaring ito, nanawagan ang dating kaklase ni Cristine na si John David Borre sa kaniyang Facebook account upang manghingi ng tulong upang may mapainom na breastmilk kay baby Lexi.

Ayon sa panayam ng ABS-CBN News kay Borre, naging mabilis umano ang paglala ng kondisyon ni Cristine.

“Ang daming hospital po ang pinagdalhan sa kaniya that time hanggang umabot po siya dito sa Chinese General Hospital. Lumalaban po siya but ‘yung katawan po niya wala na po talaga,” ani Borre.

Isa lamang si Borre sa maraming kaibigan ni Cristine na nais tumulong para sa naulila niyang pamilya. Ayon pa kay Borre, ang panawagan niya para humingi ng breastmilk ay isa umano sa mga maaaring maitulong nilang magkakaibigan para magtuloy-tuloy ang pag-inom ni Lexi ng gatas ng ina.

 

Imahe mula kay Abigail Rica via Facebook

Dahil sa post ni Borre, maraming nagpapasusong mga ina ang nagparating ng kanilang mga tulong. Tinatayang 30 bags na ng mga breast milk ang nabigay na donasyon para kay baby Lexi.

“Sobrang daming mommies na willing to help to donate po at sobrang blessed po namin,” saad ni Borre.

Nasa pangangalaga ngayon ng kaniyang lolo at lola si baby Lexi na nasa Cavite. Si Borre ang tagakolekta ng mga donasyon na breastmilk at aniya, dadalhin niya ito sa Cavite upang mapainom na sa sanggol.

Sa tantya ni Borre, halos aabot hanggang sa susunod na linggo ang supply ng breastmilk na kanilang malilikom. Lubos ang pasasalamat ni Borre sa maraming taong tumugon at tumulong sa kanilang panawagan.

Sa mga nais tumulong kay baby Lexi at magbigay ng donasyon, maaaring makipag-ugnayan kay Borre sa numerong 09456884652.