Pamilyang hindi sinusustentuhan nang tama ng padre de pamilya, binigyan ng sari-sari store at bigasan ni Raffy Tulfo




Larawan mula sa YouTube video ng Raffy Tulfo in Action
  • Dumulog sa Raffy Tulfo in Action ang isang ina dahil hindi nagbibigay ng sustento ang kanyang asawa para sa apat na anak
  • Nanindigan naman ang ama na maliit na halaga lamang ang kaya niyang ipadala para sa pamilya
  • Dahil dito, binigyan na lamang ni Tulfo ng sari-sari store at bigasan ang pamilya para mayroong sariling kabuhayan

Tanyag ang radio show na Raffy Tulfo in Action dahil sa pagresolba sa iba’t iba isyu ng ating mga kababayan. Isa sa mga madalas na sumbong sa show na ito ni Tulfo ay ang mga suliranin sa pagbibigay ng suporta ng naghiwalay na mag-asawa para sa kanilang mga anak.

Ngunit sa isang episode ng trending public service show, dahil hindi naayos ang gusot sa pagitan ng mag-asawang Michael at Rebecca Subrijano tungkol sa pagbibigay ng sustento ng amang call center agent sa kanilang apat na anak, minarapat na lamang ni Tulfo na bigyan ng sariling kabuhayan ang pamilya.

Larawan mula sa YouTube video ng Raffy Tulfo in Action

Sinubukang pag-ayusin ni Tulfo ang mag-asawa para taasan naman ni Michael ang sustento nitong isang libong piso sa apat na anak ngunit nagmatigas ito at sinabing hindi sapat ang kanyang sahod bilang call center agent at marami din siyang utang na binabayaran.

Off-air, tinanong ni Tulfo si Rebecca kung mayroon ba itong trabaho at sinabi nitong wala dahil limitado ang oportunidad sa Siargao. Gayunman, sinabi naman ng complainant na willing siyang maghanapbuhay kaya hindi na nag-atubili ang radio show host na bigyan ito ng pangkabuhayang sari-sari store.

Agad na lumipad sa Siargao sina Rebecca at ang team ni Tulfo dahil isang buwan na ring walang kasama ang apat na anak niya sa probinsya dahil sa inasikaso nito ang reklamo sana sa asawa.

Naging emosyonal ang tatlong lalaki at isang babaeng anak ni Rebecca nang makita ang ina. Dito na nagkuwento ang mga anak sa hirap na dinanas nila habang wala ang ina. Nag-uulam na lamang daw sila ng toyo o tagpi-pisong sitsirya para lamang makaraos.

Matapos ang saglit na kumustahan, agad na isinama ng team ni Tulfo si Rebecca at mga anak nito para mamili ng kanilang ititinda sa sari-sari store, maging ilang kagamitang kakailanganin sa pagpapatakbo nito.

Larawan mula sa YouTube video ng Raffy Tulfo in Action

Iba’t ibang produkto ang binili nila na karaniwang nakikita sa isang sari-sari store. Ngunit ang agaw-pansin ay ang saku-sakong bigas na idaragdag sa bagong kabuhayan ng pamilya ni Rebecca.

Kinabukasan, ginawa naman ang mga istante at lalagyan ng bigas sa kanilang puwesto sa bahay ng mga magulang ni Rebecca. Dito raw niya napiling magtinda dahil mas matao rito kaysa sa kanilang bahay. Gayunman, kailangan pang isakay sa bangka ang mga napamili nila dahil ito lang ang daan patungo sa kanilang lugar sa Siargao na kilalang naliligiran ng tubig.

Labis-labis naman ang pasasalamat ni Rebecca maging ng mga anak nito dahil sa biyayang natanggap. Ipinangako rin ng kanyang mga anak na mag-aaral silang mabuti upang mabigyan ng magandang bukas ang kanilang pamilya.

Source :

YouTube, Facebook