Pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambasa, nagsimula na

Imahe mula sa official website ng KWF/Public Domain Image
  • Nagsimula na ang taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2019
  • Ang tema ay “Wikang Katutubo: Tungo sa Bansang Filipino”
  • May layunin itong itampok ang mga katutubong wika sa Filipinas

Nagbukas na sa lahat ng mga pampribado at pampublikong paaralan at tanggapan ang taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang “Wikang Katutubo: Tungo sa Bansang Filipino” nitong Agosto 1, 2019.

Public Domain Image

Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino o KWF, para sa taong 2019, ipagdiriwang ang Buwan ng Wikang Pambansa sa ganoong tema bilang pakikiisa sa proklamasyon ng UNESCO ng “2019 International Year of Indigenous Languages (IYIL)”.

Dagdag pa nila, ang pagdiriwang ay isang mahalagang suhay sa ipinatutupad ng KWF na “Medyo Matagalang Plano 2017-2020” sa pamamagitan ng mabisang pagpapatupad ng mga pambansang programa para sa patuluyang pagpapaunlad, pagpapayaman, at pagpapalaganap ng mga katutubong wika na makapag-aambag sa higit na kagalingan at kalinangang pambansa ng mga Filipino.

Ipinaliwanag naman ng KWF ang mga kulay at simbolong makikita sa inilabas nilang logo ng pagdiriwang.

“Nagtatampok ang BNW 2019 Logo ng tatlong mahalagang aspekto: (1) pagtatampok ng mga abstraksiyon ng mga disenyong panghabi mula sa iba’t ibang pangkating katutubo sa bansa; (2) pagtatampok ng sari-saring kulay; at (3) pagtatampok sa baybayin na “ka” sa gitna ng logo ng KWF.”

Dagdag pa nila: “Ang mga abstraksiyon sa mga disenyong panghabi ng mga pangkating katutubo sa bansa ay simbolo ng katangiang mapaglahok ng wikang Filipino at ang pagyakap nito sa iba’t ibang katutubong wika sa Filipinas. Ang sari-saring kulay at paghahalo-halo ng mga ito ay simbolo naman sa mithing kaisahan at epektibong daloy ng ugnayan para sa mga katutubong wika sa bansa.

Imahe mula sa official website ng KWF

Matatagpuan sa gitna ang baybayin na “ka” sa loob ng logo ng KWF. Isa itong pagtatanghal at pagpaparangal sa mga katutubong wika bilang ubod ng mga mandato ng KWF dahil naniniwala ang komisyon na nasa mga katutubong wika ang pagka-Filipino.

Ang Buwan ng Wikang Pambansa ay ginugunita tuwing Agosto. Kadalasan, isinasagawa ang mga timpalak sa mga paaralan tulad ng interpretatibong pagbasa, masining na pagkukuwento, pagtatalumpati, at sabayang pagbigkas.