Naka-tiles na iskinita sa Marikina, inulan ng pagkabahala

Imahe mula sa Facebook account ni Eule Rico Bonganay
  • Ikinabahala ng mga netizens ang larawan ng isang iskinita sa Marikina na naka–tiles
  • Maaari daw itong magdulot ng kapahamakan sa mga residente
  • Nangako naman si Bayani Fernando na aaksyunan ito

Inulan ng samu’t saring reaksyon at pagpuna mula sa mga netizens ang larawan ng isang masikip na iskinita sa isang lugar sa Marikina na nakatiles ang sahig.

Makikita sa Facebook post noong Agosto 2, 2019 ng isang concerned netizen na si “Eule Rico Bongonay” ang isang iskinitang naka-tiles na maaaring magdulot ng kapahamakan sa lahat, lalo na sa mga bata’t matatanda, lalo na sa panahon ng tag-ulan.

“Ano kayang naisipan ni Bayani Fernando para i-tiles ang mga iskinita dito sa Marikina? Maliban sa lalong babaha dahil halos takpan ang mga drainage, napakadelikado rin sa mga bata at matatanda na malimit madulas lalo na ngayong maulan.”

Imahe mula sa Facebook account ni Eule Rico Bonganay

Nagbigay ng reaksyon at puna ang mga netizens sa naturang larawan.

“Pasikat lang… wrong decision ito. Marami nang nadulas. May umiikot din na petition para ipatigil ito… walang konsultasyon sa mga tao. Maliban sa pasikat, malamang may malaking pondo ito.”

“Dito po sa Everlasting Street Brgy. IVC ayaw po ng mga tao, at sa totoo lang madulas po ang tiles…”

“Feeling niya siguro, part pa ‘yan ng bahay niya. Ang lupet. Very bright!”

“Juice colored! Delikado ‘yan, madulas lalo na kapag nagbaha, hindi makikita yung lalakaran. Tsk! Hindi pinag–iisipan eh…”

Samantala, batay naman sa kanyang Facebook post noong Agosto 6, 2019, mukhang naidulog na nila sa media ang naturang suliranin.

Imahe mula sa Facebook account ni Eule Rico Bonganay

“Makinig po kayo ng DZMM 6.30 bukas ng tanghali. Interview natin regarding sa inirereklamo ng Salinlahi Youth na paglalagay ng tiles sa mga eskinita ng Marikina. Nasa linya rin si Cong. Bayani Fernando. Sana’y pakinggan n’ya tayo para agaran nang matigil ang proyekto na nagdudulot lamang ng aksidente sa mga residente, lalo na sa bata at matatanda.”

Ayon naman kay Marikina City Representative Bayani Fernando, agad niyang aaksyunan ang reklamo ng mga residente sa kanilang lugar.