MMDA spokesperson, may open letter hinggil sa ‘pag-eeksperimento’ umano ng ahensiya




Imahe mula sa MMDA Spokesperson Celine Pialago Facebook page
  • Maraming bumabatikos sa mga ‘pag-eeksperimento’ lamang umano ng MMDA sa EDSA
  • Ito ay may kaugnayan sa yellow lane policy ng ahensiya
  • Nilinaw naman ni MMDA Spokesperson Celine Pialago na ginagawa nila nang maayos ang kanilang trabaho

Nagsalita na si Metro Manila Development Authority (MMDA) Spokesperson Celine Pialago ukol sa mga bumabatikos sa mga polisiyang ipinatutupad ng ahensiya, partikular na sa yellow lane policy sa EDSA.

Ginamit na rin ni Pialago ang social media upang ipaalam sa publiko kung paano nagtatrabaho ang MMDA at sino-sino ang nagdedesisyon bago ipatupad ang isang polisiya.

Imahe mula sa MMDA Spokesperson Celine Pialago Facebook page

Sa kaniyang open letter, nanindigan si Pialago na hindi sila nag-eeksperimento lamang. Lahat umano ng polisiya na ipinatutupad ng MMDA ay masusing pinag-aralan at naipasa sa Metro Manila Council.

“Ang Metro Manila Council po ay binubuo ng mga Metro Manila Mayors. Bawat polisiya po ay pinagbobotohan at pinag-aaralan. Nagkakaroon ng information campaign, nagkakaroon ng dry run, nagkakaroon ng public hearing bago maisakatuparan [ang bawat polisiya],” paliwanag ni Pialago.

Ipinaliwanag din ni Pialago kung ano ang silbi ng yellow lane at kung bakit kailangan ng istriktong pagpapatupad. Aniya, ang yellow lane ay para sa mga pampublikong sasakyan tulad ng mga bus at taxi. Ang pinaka-kanang bahagi ng EDSA ang inilaan sa kanila.

“Diyan po sila nakapuwesto dahil nanjan din po ang ating mga designated loading and unloading area. Ang mga city buses po ay may tinatawag na bus segregation, ang iba po sa kanila ay may-tag na A, B, o C,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin din ni Pialago na ang mga provincial buses ay dapat na nasa third lane at kailangan lamang magbaba ng mga pasahero sa kani-kanilang terminal.

Imahe mula sa MMDA Spokesperson Celine Pialago Facebook page

Ang hindi pagsunod sa bus segregation at ang pagpapasakay at pagpapababa ng mga pasahero sa mga maling loading at unloading area ang isa sa mga suliranin kung bakit hindi nagiging epektibo ang implementasyon ng mga polisiya.

Suliranin din umano ang maraming bilang ng mga colorum city buses at sa mga hindi dumadaan sa tinatawag nilang Bus Management Dispatching System. Samantala, ang mahigpit na implementasyon ng yellow lane ay makatutulong din upang mabisto mga kolorum na bus.

Sa huli, ang kawalan ng disiplina ng bawat isa ang lalo lamang umanong nagpapalala ng suliranin sa EDSA.

Ang open letter ay pagsagot din ng MMDA sa naging komento ni Sen. Grace Poe na: “Bakit ginagawa tayong parang science project, puro eksperimento, habang taumbayan naman ang nagdurusa.”

Source :

Facebook, DF