Mayor Isko Moreno, nais itampok sa United Nations ang Wikang Filipino




Public Domain Image
  • Handang gamitin ni Mayor Isko Moreno ang wikang Filipino sa United Nations General Assembly sa New York, USA. 
  • Isang pagkakataon daw ito upang maitampok sa ibang bansa ang kariktan ng ating wikang pambansa
  • Natuwa naman dito ang Punong Komisyuner ng KWF na si Virgilio Almario

Tahasang ipinahayag ni Mayor Isko Moreno noong Huwebes, Agosto 1, 2019, na hindi siya mangingiming gumamit ng wikang Filipino, kung mabibigyan ng pagkakataong makapagsalita sa United Nations General Assembly sa New York, USA.

Ayon sa “loding yorme” ng Maynila, gagayahin umano niya ang iba pang mga delegado sa ibang bansa na ginagamit nila ang sariling wika sa pagbibigay ng mensahe sa harap ng iba pang mga delegado ng UN. Isang paraan umano ito upang mabigyang–halaga at pagpupugay ang pambansang wika ng Pilipinas.

“But gusto mo lang maging proud ka may isang dialect. Ganito ang sounds. Ganito ang diction. Ito ang tamang pagbigkas,” ani Yorme Isko sa panayam ng ABS–CBN sa kanya.

Public Domain Image

Kahit kailan daw, hindi pa niya narinig ang isang Pilipinong delegado o politiko na magsalita gamit ang wikang Filipino kapag may mga pambansang komperensya o pagpupulong, bagay na ginagawa naman ng ibang mga pinuno ng ibang bansa. Mayroon naman daw translator o tagasalin kung kinakailangan.

Ayon pa kay Mayor Isko, kung siya ay isa lamang kandidata ng Miss Universe, gagamitin niya ang wikang Filipino sa pagsagot sa “Q and A portion”. Ito raw ay isang pambihirang pagkakataon para maitampok ang kagandahan ng wikang Filipino sa ibang bansa.

Tuwang–tuwa naman ang Punong Komisyuner ng Komisyon sa Wikang Filipino o KWF na si Virgilio Almario kay Mayor Isko Moreno dahil gumagamit siya ng wikang Filipino at nagpapauso ng mga kolokyal na salita tulad ng “yorme”, “etneb”, “tolongges”, o “geddi”, patunay na buhay na buhay ang wikang pambansa.

“Ako ay tuwang tuwa sa kaniya dahil gumagamit siya ng Filipino. Di tulad ng ibang pulitiko,” said Almario, na isa ring chairperson ng Komisyon sa Wikang Filipino (Commission on the Filipino Language).

Public Domain Image

Karamihan kasi sa mga mambabatas ay wikang Ingles ang kinasanayang gamitin, bagay na wala namang masama. Subalit ang mga pinuno ng bayan na gumagamit ng sariling wika ay mas nauunawaan ng mga mamamayan, lalo na ng masa.

Ayon sa Artikulo 14 Seksyon 6 ng Konstitusyon ng Pilipinas, ang wikang pambansa ng Pilipinas ay wikang Filipino, na komposisyon ng wikang Tagalog, wikang katutubo, at iba pang mga wikang umiiral sa Pilipinas, kabilang ang mga dayuhang wika tulad ng Espanyol at Ingles.