Mayor Isko, isusulong ang libreng pag-aaruga para sa mga aso at pusa sa kalye

Imahe mula Manila PIO
  • Balak ni Manila City Mayor Isko Moreno na isulong ang programang tutulong upang mabigyan ng wastong pangangalaga ang mga aso at pusa na nakatira lamang sa kalye
  • Nabanggit ni Mayor Isko ang planong ito pagkatapos makita at makilala ang tinaguriang hero dog ng Zamboanga City na si “Kabang”
  • Una nang inihayag ni Mayor Isko ang rehabilitasyon ng Manila Zoo at ang hindi nito pagbenta
Imahe kuha mula sa video ng Isko Moreno page via Facebook

Tuloy-tuloy ang paggawa ng ingay ni newly-elected Manila City mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso dahil sa kaniyang sunud-sunod na pagpapatupad ng mga programa at proyekto upang mapabuti ang Lungsod ng Maynila.

Sa pagkakaupo bilang mayor o “yorme” sa kaniyang pagkakasabi, hindi na nagsayang ng oras ang dating aktor na si Isko Moreno upang makapagbigay ng serbisyo para sa mga nakararami.

Ang karamihan sa mga malalaking pagbabago na naipatupad ni Mayor Isko ay ang pagpapaalis sa mga nakaharang na nagtitinda na umookupa sa malalaking daan tulad ng Baclaran at Divisoria. Kaniya ring nilinis ang underground pass sa Quiapo. Unti-unting nakikita ang pagbabago sa lungsod.

Dahil sa kaniyang walang-tigil na pagsulong sa kaayusan ng lungsod at pag-iikot sa mga kalye st sulok nito, maraming mga Pinoy ang humahanga kay Mayor Isko. Samantalang ang iba namang mga nagtitinda ay umaangal dahil sa pagkawala ng kanilang kabuhayan at kita.

Mukhang wala nang makapipigil pa kay Mayor Isko upang mapabuti ang buong Maynila; hindi lang upang makatulong sa mga tao kundi pati na rin sa mga hayop.

Una na niyang sinabi na pabubutihin niya ang Manila Zoo at hindi ito ipagbibili; ‘di tulad sa mga napabalita. Samantala, kamakailan  lamang ay nagpahayag siya ng plano na tutulong naman sa mga ‘pusakal’ at ‘askal’ na pakalat-kalat lang sa daan.

Imahe mula Shutterstock

Ang mga pusang kalye at mga askal o asong kalye ay mga hayop na walang nagmamay-ari, kaya naman sila ay pakalat-kalat lamang sa mga iskenita at daanan. Dahil dito, gusto silang matulungan ni Mayor Isko upang mabigyan sila ng wastong pag-aaruga at tamang kalalagyan na tahanan.

Una nang ibinunyag ang planong ito ni Mayor Isko pagkatapos niyang makaharap at makilala nang personal ang tinaguriang hero dog ng Zamboanga City na si “Kabang.” Ito ang asong tumulong sa dalawang bata upang mailigtas mula sa kapahamakan noong 2013. Dahil sa pagsagip sa dalawang bata, halos mawala ang itaas na bahagi ng bunganga ng aso.

Personal na mahilig ako sa aso,” nabanggit ni yorme Isko sa isang interview. Kaya naman plano ng mayor na isulong ang programa upang matulungan ang mga aso at pusa sa kalye. “There will be a place for them,” dagdag ni mayor Isko na ang tinutukoy ay ang isusulong na programa.