Manong guard, pinagsabihan ang isang nanlilimos; reaksyon ng mga netizens, bumuhos




  • Ibinahagi ng isang netizen ang panenermon ng isang security guard sa isang lalaking nanlilimos
  • Pinayuhan ng guard ang lalaki na magbanat ng buto kung kaya pa naman
  • Bumuhos ang reaksyon dito ng mga netizen

Anong gagawin mo kung malagay ka sa isang sitwasyong walang–wala kang pera at ang tanging solusyon dito ay mamalimos o manghingi ng awa sa iba?

Ibinahagi ng isang netizen na nagngangalang “James Vryan Villaverde” ang kanyang nasaksihang pagtataboy at “panenermon” ng isang may–edad na security guard ng isang sikat na fast food, sa isang namamalimos na lalaking nasa gulang na 30.

Ayon sa Facebook post, nilapitan ng security guard ang lalaking nanlilimos sa mga sasakyang nakapila at nakaabang sa drive thru, at tinangkang itaboy ito. Sinabi ng lalaking nanlilimos na humihingi lamang siya ng pangkain.

Sabi umano ng guwardiya: “Hindi ka ba nahihiya, ang bata–bata mo pa, wala ka namang kapansanan.”

Ngumiti lamang ang lalaki at nagpatuloy ang guwardiya: “Marami namang trabaho, kahit sa palengke magtinda ka ng plastic. Ako, 65 years old na ako pero pinili ko magtrabaho.”

Saglit daw na umupo ang lalaki, at pagkaraa’y umalis na ito.

Imahe mula sa Facebook account ni James Vryan Villaverde

Nagbigay naman ng pansariling pananaw sa nasaksihang pangyayari ang netizen. Saludo raw siya sa guwardiya dahil sa kabila ng edad nito ay masipag at masikap pa rin sa trabaho. Nauunawaan daw niyang kaya nito pinagsabihan ang lalaking namamalimos ay upang ma–inspire ito at magkaroon ng tiyak na direksyon.

“I am not against Manong Guard kasi trabaho naman niyang magpaalis ng mga nanlilimos sa area niya, saludo ako sa kanya dahil kahit 65 years old na siya, pinili pa rin niyang mag–work and very passionate siya sa trabaho niya. And I can feel na sinabi niya ‘yun kay Kuya Beggar para ma–inspire siya at hindi para insultuhin ang ginagawa niya.”

Nauunawaan din umano ng netizen ang kalagayan ng lalaking namamalimos. Wala umano siyang karapatan para husgahan ang pinagdaraanan nito.

“Also I’m not against kay Kuya Beggar kasi hindi ko naman alam situation niya. Wala naman akong karapatan na husgahan siya, malay ko na kung may sakit siyang iniinda o ginagawa niya ‘yun para sa mahal niya…”

Para sa netizen, mapalad ang lalaking namamalimos dahil may isang taong katulad ng security guard na nagbigay ng payo sa kanya. Sa huli, tayo raw ang mamimili sa kung ano ang gusto nating makamtan: magtrabaho o manghingi.

Public Domain Image

Nagbigay naman ng iba’t ibang reaksyon dito ang mga netizen.

“Tama si guard, kung bata pa kayang–kaya ‘yan, kahit sa construction, utusan, tagaluto, kahit sa car wash… marami siyang mapapasukan.”

“Huwag naman kaagad husgahaan ‘yung pulubi. Dito natin mapapatunayan na hindi talaga patas ang ating lipunan.”

“Give a man a fish and you only feed him for a day. Teach a man how to fish and he will be fed for a lifetime. Classic si Manong Guard.”

Anong masasabi mo tungkol dito? Sa kaninong sitwasyon ka nakaugnay?