5-piso meal queen Lola Mel, binigyan ng surpresa; ikinuwento ang dating marangyang pamumuhay




Larawan mula sa YouTube video ng ABS-CBN
  • Matapos mag-trending sa social media ang limang piso meals ni Lola Mel, mas inalam pa ng programa ni Julius Babao na Mission Possible ang buhay ng matanda
  • Napag-alamang marangya dati ang buhay nina Lola Mel ngunit nalugi ang ilang negosyong pinasok nilang mag-asawa
  • Binigyan ng kaunting surpresa ng programa sina Lola Mel at Lolo Tomas bilang pagpupugay sa pagmamalasakit nila

“Lahat ng mabuting gawa ay may magandang gantimpala.”

Kamakailan, lumikha ng ingay sa social media ang isang maliit na negosyante na walang ambisyon na kumita nang malaki, kung hindi maghatid ng mura at abot-kayang pagkain para sa mga estudyante.

Kilala ang food vendor na si Imelda Delos Reyes bilang Lola Mel ng kanyang mga parokyanong elementary students. Pumatok ang negosyo ni Lola Mel hindi lamang dahil sa masasarap ang mga ito, kung hindi dahil na rin sa murang halaga nito.

Larawan mula sa YouTube video ng ABS-CBN

Nagtitinda si Lola Mel, kasama ang kanyang asawang si Lolo Tomas, ng ulam para sa mga estudyante sa halagang limang piso. Ginagawa raw ito ng mag-asawa para makatulong sa mga estudyante, at hindi para kumita.

Ngunit sa kabila ng pagkakawanggawa, mayroon din palang hinarap na matinding pagsubok ang mag-asawa. Marangya raw ang pamumuhay nilang mag-asawa noon. Mayroong sariling mga sasakyan at ari-arian.

Unti-unti raw nawala ang kanilang marangyang pamumuhay nang malugi sa ilang negosyong pinasok ang asawa ni Lola Mel. Dito ay naisip daw nilang magtinda-tinda para mairaos ang edukasyon ng bunsong anak.

Kaya naman taong 2004, itinayo ang maliit na tindahan ng mag-asawa sa tabi ng isang paaralan sa Meycauayan, Bulacan. Ayon sa mag-asawa, iniadya raw umano ng Panginoon na hindi magtagumpay ang mga una nilang negosyo dahil makatutulong daw pala sila sa mga bata na sadyang malalapit sa kanilang puso.

Ang pinakamagandang parangal para sa sakripisyo ng mag-asawa, hindi lamang para sa sariling pamilya kung hindi para sa mga parokyano, ay ang edukasyon ng mga anak. Mayroon nang magagandang trabaho ang mga anak nina Lola Mel at Lolo Tomas at nadadala na rin sila ng mga ito sa iba’t ibang lugar para magbakasyon.

Gayunman, kahit napagtapos na sa pag-aaral ang mga anak, ayaw pa ring huminto nina Lola Mel sa pagtitinda dahil ito raw ang nagpapasaya sa kanila. Proud naman dito ang kanilang mga anak kaya naman suportado nila ang trending na tindahan ng kanilang mga magulang.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Sa programang Mission Possible ng ABS-CBN, nabigyan ng munting surpresa sina Lola Mel at Lolo Tomas. Binigyan sila ng bagong tent at mga lamesa na iniabot pa ng mga suki nilang estudyante. Napaabot din sa dalawang matanda ang mensahe ng ilang mga estudyante na dati nilang suki na ngayon ay mga propesyonal na.

Nagkaroon din ng munting reunion si Lola Mel at ang kanyang mga kapatid na matagal-tagal na rin niyang hindi nakikita.

Wala namang pagsidlan ang ligaya ni Lola Mel sa mga biyayang natanggap. Lubos naman ang paghanga ng mga netizens sa kagandahang loob ng mag-asawa at sinasabing inspirasyon sila na walang edad o estado ng buhay ang mukha ng pagmamalasakit sa kapuwa.