Konduktor-man: Sa sobrang sikip, konduktor, sumampa na sa hand rail para lang makabalik sa pinto ng bus

Larawan mula sa Facebook account ni Rene Rivera
  • Trending sa social media ang isang konduktor na ginapang ang hand rail ng bus para makapaningil
  • Dahil sa sobrang siksikan ang bus, pinili na lamang ng konduktor na gumawa ng paraan para hindi na rin makaabala sa mga pasahero
  • Tinagurian naman siyang konduktor-man ng mga netizens

Patuloy ang pagdating ng mga isyung nagpapahirap sa mga commuter sa Pilipinas. Kamakailan, nag-trending sa social media ang buhol-buhol na traffic sa EDSA dahil sa ipinatupad na bus lane ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagdulot ng mahabang oras ng biyahe para sa mga Pilipino.

Nagbunga rin ito ng malaking problema para sa iba pang commuter na wala nang masakyan dahil hindi makausad ang mga sasakyan at naiipon sa mga lugar kung saan mabigat ang traffic.

Larawan mula sa Facebook account ni Rene Garcia

Dahil dito, naging lalong siksikan ang mga bus na noon ay tila-sardinas na dahil sa kakaunting bus na nakadaraan bawat oras sa mga pangunahing lansangan sa bansa. Ito ang naging laman ng trending Facebook post ng isang netizen na ipinapakita ang nakaaawa na minsan ay nakaka-good vibes din na eksena ng buhay commuter sa bansa.

Punong-puno ng pasahero ang isang bus at kahit ang gitna nito ay siksikan na rin ang mga nakatayong commuter. Kaya naman imbes na makisingit pa sa mga ito, pinili na lamang ng isang konduktor na umakyat sa hand rail ng bus para maningil at muling makabalik sa pinto at mag-assist sa harapan ng bus.

Trending ngayon ang post na ito ni Rene Rivera sa Facebook na kakaibang diskarte ng isang konduktor para makapaningil at makapaglakad sa isang siksikang bus. Inihalintulad ni Rivera sa Marvel superhero na si Spider-man ang lalaki sa larawan na ginagapang ang itaas na bahagi ng bus dahil hindi na kaya pang makaraan sa siksikang aisle ng bus.

“Ganito na pala uso ngayon. Conductor ng bus habang naniningil dahil sa dami ng pasahero,” caption ni Rivera sa kanyang post na mayroon nang mahigit 7,800 reactions, 1,800 comments, at 11,000 shares.

Mukhang relate na relate naman ang mga netizens na nakakita ng post ni Rivera dahil kanya-kanyang kuwento rin sila ng mga karanasan nila sa siksikang bus na tulad ng nasakyan niya.

Larawan mula sa Facebook account ni Rene Rivera

“Wow, skills! Si Spider-man, nag-sideline na bilang conductor!” biro ng isang netizen.

Tinagurian naman ng isang netizen ang konduktor bilang bagong superhero na “Konduktor-man” at deserve daw nito ang isang bagong comic series.

Seryoso naman ang isang netizen na sinabing ganito na nga ang sitwasyon ng mga commuter, ay babawasan pa raw ang bus sa mga pangunahing lansangan na magpapahirap sa mga biyaherong Pilipino.