Konduktor, inilibre ng pamasahe ang isang senior citizen na kulang ang pera




Larawan mula sa Facebook page na Netizen of Sergio Osmeña
  • Nagmagandang-loob ang isang konduktor sa isang senior citizen nang ilibre niya ito ng pamasahe
  • Kulang daw ang pera ng matanda pero imbes na pagbayarin, libre na lang itong pinasakay ng konduktor
  • Maaaring umabot daw sa hanggang P400 ang nailibreng pamasahe ng konduktor sa matanda

Kung maraming hindi kaaya-ayang balita tungkol sa mga kakalsadahan sa Pilipinas, mayroon pa rin namang mga magagandang balita ang sumusulpot sa iba’t ibang pampasaherong sasakyan sa bansa. At ang bumibida nitong mga nakaraang araw ay ang mga konduktor ng bus.

Naghatid ng good vibes sa mga netizens at pasahero ang mistulang spider-man na konduktor na sumampa na sa hand rail ng bus dahil sobrang siksikan. Ngayon naman, isang konduktor na naman ang nagdala ng ngiti at inspirasyon sa kanyang mga kababayan nang gumawa ng kabutihan para sa isang matandang pasahero.

Larawan mula sa Facebook page na Netizen of Sergio Osmeña

Ayon sa Facebook page na Netizen of Sergio Osmeña, isang konduktor ng bus ang nanlibre sa isang kaawa-awang senior citizen dahil kulang ang pera nitong pamasahe. Nakikiusap umano ang matandang lalaki sa konduktor kung maaari siyang sumakay kahit kulang ang dala niyang pera. Pumayag naman daw agad ang konduktor at pinasakay ang matanda.

“Wow, guys! Pasikatin natin itong si manong konduktor. May sumakay na matanda kanina, kulang pamasahe niya. Nakiusap siya sa konduktor kung pwede sumakay, pumayag naman si manong,” bungad ng Facebook page na orihinal daw na kuha ng isang nagngangalang Reme.

Nang makasakay na raw ang matanda, nilapitan ito ng konduktor at agad na binigyan ng ticket. Sinabi nito sa matanda na huwag nang magbayad na ilang ulit pa raw sinambit ng konduktor dahil may kahinaan na rin daw ang pandinig ng matanda.

“Tay, bibigyan po kita ng ticket pero wag mo na po bayaran,” ito raw ang sinabi ni konduktor sa matanda ayon sa viral Facebook page.

Wala raw pagsidlan ng ligaya ang matanda at makailang ulit na nagpasalamat sa mabuting konduktor. Halos maiyak pa raw ang matanda dahil muli na niyang makakasama ang pamilya.

Inilahad rin sa dulo ng post na ang bus ay isang Yellow Bus Line na biyaheng Marbel, Koronadal papuntang Tacurong, Sultan Kudarat.

Larawan mula sa Facebook page na Netizen of Sergio Osmeña

Ayon din sa isang website na nagpapakita ng travel rates ng mga pampublikong sasakyan mula Marbel hanggang Tacurong, maaaring umabot sa P326 hanggang P419 pesos ang inilibreng pamasahe ng konduktor sa senior citizen. Hindi maliit na halaga para sa isang ordinaryong manggagawang Pilipino.

Dahil dito, umani ng papuri ang konduktor mula sa mga netizens at sinabing marami pa rin ang mababait na Pilipino sa kabila ng hirap ng buhay.

Sa kasalukuyan, mayroon nang higit 26,000 reactions, 2,400 comments, at 8,600 shares ang post na ito tungkol sa good vibes na konduktor.