Kilalanin: Small but incredible teacher sa San Jose del Monte, Bulacan




Imahe mula kay Ian Francis Manga | Facebook
  • Marami ang namangha sa “small but incredible” teacher sa San Jose Del Monte, Bulacan
  • Madalas na napagkakamalang estudyante sa grade school si Ian Francis Manga dahil sa pagkakaroon niya ng batang itsura
  • Aminado rin siya na dati siyang na-bully ngunit hindi niya ito hinayaang makaapekto sa pangarap niya na maging isang lisensyadong guro
Imahe mula kay Ian Francis Manga | Facebook

Agaw-pansin sa social media ang “small but incredible” teacher sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Sa unang tingin, aakalaing bata o ‘di kaya naman ay estudyante sa kinder o grade school si Ian Francis Manga. Nagtataglay ito ng “pagka-baby face” at hindi nalalayo ang tangkad sa mga batang may edad 6 hanggang 8-taong gulang.

Mas madali para sa marami na paniwalaan ang ideyang ito dahil na rin sa batang mukha at pangangatawan ni Sir Ian.

Sa video naman na ibinahagi ng Facebok page na Carl Balita Review Center Bulacan, nagkaroon ng pagkakataon si Sir Ian na ipaliwanag ang kaniyang kondisyon, pati na rin ang kaniyang mga naging karanasan habang nagkakaedad.

“Noong bata po ako, madalas po kasi ako magkasakit and habang lagi akong nagkakasakit, iyong growth ko po nade-delay,” ani Sir Ian.

Bagama’t hindi halata sa kaniyang pisikal na itsura ay 23 taong gulang na si Sir. Aminado siya na hindi naging madali ang kaniyang mga pinagdaanan. Nakaranas siya ng panghuhusga mula sa ibang tao na hindi naman siya lubusang kilala.

“Mga kaklase ko po supportive sa akin. Pero iyong ibang tao po na hindi ako kilala minsan parang sinasabi nila na, ‘Ay, ano pala ito. Highschool pala ito. Hindi pala siya Grade 1, Kinder,’” kuwento ng guro.

I-click ang imahe para panoorin ang video

Sa kabila nito, pinatunayan ng guro na kaya niyang maging inspirasyon sa iba. Mapalad itong nakapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) noong Marso at isa na siya ngayong lisensyadong guro.

Nagbigay rin ng mensahe si Sir Ian para sa mga taong nakararanas ng pambu-bully.

“Ignore them pero patunayan mo sa kanila na kaya mong mabuhay. Parang patunayan mo sa kanila na mali sila,” pahayag ng guro.