Kauna–unahang “Shoe Tech School” sa bansa, ilulunsad sa Marikina




Public Domain Image
  • Magkakaroon ng kauna–unahang Shoe Tech School sa bansa
  • Ilulunsad ito sa lungsod ng Marikina na itinuturing na “Shoe Capital of the Philippines”
  • Naglalayon itong patatagin at palakasin ang industriya ng sapatos upang makasabay sa global market

Inihayag ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro ang paglulunsad ng kauna–unahang Shoe Tech School sa bansa upang maitampok ang industriya ng paggawa ng matitibay na sapatos, na maisasakatuparan sa Marikina sa taong 2020.

Ayon sa panayam ng press sa alkalde, sisimulan na nila ang pagpapatayo ng gusali para dito sa loob ng tatlong buwan. Target nilang mabuksan at maging operational ito sa ikatlong kwarter ng 2020.

“We are targeting to start the construction of the Shoe Tech building two to three months from now. It will be operational in the third quarter of 2020.”

Public Domain Image

Hindi raw magiging suliranin ang mga magtuturo dahil sila raw ay sumailalim pa sa training sa ibang bansa. Global marketing daw ang magiging pokus nila upang hindi mapag–iwanan.

“Trainors of the Shoe Tech School are already in place. They’re trained overseas. Why overseas? It is because our market is global. Ayaw naman nating mapag-iwanan sa style and technology,” ani Mayor Teodoro.

Ang tiyak na layunin ng naturang Shoe Tech School ay upang makapagsanay ng mga skilled shoemaker sa bansa upang maipagpatuloy pa ang paglikha ng matitibay at de–kalidad na sapatos sa Marikina, at sa buong bansa.

Handa umanong gumastos ang lokal na pamahalaan ng Marikina ng 60 milyong piso para sa Shoe Tech School na itatayo sa bakuran ng Pamantasan Lungsod ng Marikina na makikita sa Barangay Concepcion Dos. Ang mga equipment naman daw ay popondohan ng Department of Trade and Industry o DTI.

Public Domain Image

Dagdag pa ng alkalde, maglalaan sila ng 10 porsyento para sa mga taong hindi taga–Marikina na gustong mag–aral sa Shoe Tech School, kapalit ang kasunduan na kailangan nilang magtrabaho sa Marikina upang makatulong sa pagpapalago ng industriya ng sapatos.

Ang Marikina City ay kilala bilang “Shoe Capital of the Philippines”.

Source :

PNA, Inquirer, Abante