“Kapag 60, dapat VIP!” – Senador Sonny Angara sa mga senior citizens

  • May bagong tatag na komisyon ang ating gobyerno para sa mga senior citizens
  • Ito ay ang National Commission for Senior Citizens (NCSC)
  • Ikinagalak at patuloy na susuportahan ni Senador Sonny Angara ang bagong tatag na komisyon

Isa si Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara sa mga nagalak makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11350 na nag-aatas na maitatag ang National Commission of Senior Citizens (NCSC).

“Napakaraming sakripisyo ang binigay ng ating mga magulang para sa ikabubuti ng buhay natin. Ang nakakalungkot ay sa pagtanda nila, marami sa kanila ang napapabayaan na at minsan nakakalimutan pa,” pahayag ni Angara sa isang press release.

Imahe mula sa Facebook page ni Sen. Sonny Angara

Dahil umano sa mga sakripisyong iyon, marapat lamang na magkaroon ng isang sangay ng pamahalaan na tutugon sa mga pangangailangan ng ating mga minamahal na lolo, lola, tito, at tita, o mga magulang na maituturing nang senior citizens.

Ang NCSC ay magsisilbing isang sangay ng pamahalaan na nakalaan para matulungan at maitaguyod ang mga senior citizens sa bansa. Bahagi rin ng batas ang pagbuo ng mga polisiya at mga gawaing may malaking pakinabang ang mga senior citizens.

Obligasyon din nitong pangasiwaan ang pagpapalaganap ng mga impormasyon hinggil sa mga karapatan ng mga senior citizens.

Sa ilalim din ng bagong batas, ang National Coordinating and Monitoring Board na nabuo sa ilalim ng Republic 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 ay binuwag na.

Ang lahat naman ng mga gawain, programa, at proyekto ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga mahihirap, vulnerable, at mga may hindi magandang katayuan sa buhay na mga senior citizens ay mapapasa na ngayon sa NCSC.

“Sa pagtatag ng NCSC, meron na tayong isang ahensya na tututok sa lahat ng bagay tungkol sa kapakanan ng mga seniors. Kung may batas o regulasyon na hindi napapatupad tungkol sa seniors, ang NCSC na ang bahala dito,” paliwanag pa ni Angara.

Siyempre, dahil para sa mga senior citizens ang NCSC ay mga senior citizens din ang inaasahang mamumuno sa bagong komisyon.

Imahe mula sa Pixabay

Samantala, para naman sa 18th Congress, tinatrabaho rin ni Angara ang panukalang-batas na magbibigay ng karagdagang 100% ng social pension sa mga Pilipinong senior citizens.

Mula umano sa ₱500 kada buwan o ₱6,000 kada taon, nais ni Angara na maging ₱12,000 ito kada taon sa ilalim ng Senate Bill No. 133.

Source :

Senate, Senate