Kalsada sa Fairview, Quezon City, binakbak at inayos kahit walang anumang sira




Screenshot mula sa video ni Boy Bangui
  • Trending ngayon sa social media ang pagbakbak sa isang maayos na kalsada sa Quezon City
  • Pagkatapos daw sirain ang kalsada, muling isinaayos ito na ipinagtataka ng mga residente roon
  • Wala naman daw inilagay na kung anumang bago sa dati namang maayos na daan kaya inulan ng batikos ang nasabing hakbang

Maituturing na senyales ng pag-unlad ng isang lugar ang pagsasaayos ng mga daan, tulad ng kalsada at mga tulay, lalo na’t kung ito ay makapagbibigay ng ginhawa sa mga residente. Malaking tulong ito para sa transportasyon ng iba’t ibang produkto at makapagpapabilis sa serbisyong kailangan ng mga mamamayan.

Gayunman, nagiging kontrobersyal ang mga ganitong uri ng proyekto dahil mayroong mga kalsada at iba pang istruktura na sumasailalim sa pagsasaayos kahit tila wala namang sira ang mga ito.

Screenshot mula sa video ni Boy Bangui

Ganito ang inirereklamo ng ilang residente sa Dahlia Street, Fairview, Quezon City dahil binakbak daw ang isang abalang kalsada roon kahit wala naman itong anumang sira, at tsaka muling pinalitadahan upang madaanan.

Trending ngayon sa Facebook ang video na inupload ng page na Philippines CCTV and Dash Cam Spotted ang video na orihinal na kuha raw ng isang Boy Bangui, kung saan makikita ang pagsira sa maayos na daanan sa Dahlia Street.

Pagdidiin ng nasabing Facebook page sa kanilang post, sementado naman daw at walang leak at wala rin naman daw inilagay na kung ano sa daanan pero binungkal ito ng mga trabahador.

“This is in Dahlia St. Fairview Quezon City. The street is cemented walang problema, walang leak, walang potholes, and wala namang iinstall ng kung ano-ano. Tinanong ko yung gumagawa kung bakit binubungkal. Hindi alam,” sabi ng post na umani ng higit 1,500 reactions na karamihan ay “haha” at “angry.”

Dagdag pa ng Facebook page na nag-upload ng video, marami naman daw sirang kalsada sa Quezon City ngunit hindi ito ang inaayos kung hindi ang mga matitinong daanan pa.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

“Samantalang yung Sauyo Road na sobrang daming sira, di ginagawa. Quezon City Hall, alam n’yo ba to?” giit ng Philippine CCTV and Dash Cam Spotted.

Kanya-kanyang reklamo rin ang mga netizens tungkol sa proyektong ito ng mga opisyal ng Quezon City. Only in the Philippines lang daw na inaayos ang hindi naman sira. Sigaw pa ng ilang netizens, sayang daw ang budget na inilaan para dito.

Maliban din sa nakatataas-kilay na proyektong ito, ay nagdulot din daw ng mabigat na daloy na trapiko ang konstruksiyon ng kalsada lalo na’t isa ito sa mga daanan papunta sa Commonwealth Avenue na kilala rin ngayon dahil sa mabigat na trapiko.

Wala pang opisyal na pahayag ang pamunuan ng Fairview maging ang Quezon City administrators tungkol sa kontrobersyal na proyekto.