Julie Anne San Jose at Rayver Cruz, pinalitan si Regine Velasquez bilang bagong ‘Clash Masters’ ng The Clash




Larawan mula sa SKLU at GMA Regional Station Facebook page
  • Matapos lumipat sa ABS-CBN ni Regine Velasquez, nakahanap na ang GMA Network ng kapalit niya bilang host ng ‘The Clash”
  • Sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz ang tatayong bagong “Clash Masters” ng singing contest
  • Nakatakdang mag-umpisa ang bagong season ng “The Clash” ngayong Setyembre

Kapag mayroong singing contest noon ang GMA Network, siguradong ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez ang host nito. Ilan sa mga tumatak na singing competition na pinangunahan ni Velasquez ay ang “Pinoy Pop Superstar,” “Are You The Next Big Star,” at ang latest at original concept ng GMA na “The Clash.”

Ngunit nang dahil sa paglipat ng istasyon ng Songbird, naiwang bakante ang posisyon bilang host o ‘clash master’ ng The Clash na nagkaroon ng matagumpay na unang season. Marami ang haka-haka kung sino ang papalit kay Velasquez. Naging maugong ang pangalan nina Jennylyn Mercado, Alden Richards, Ryan Agoncillo, maging ang Megastar na si Sharon Cuneta.

Larawan mula sa SKLU Facebook page

At dahil papalapit na ang pagsisimula ng Season 2, mayroon nang napili ang Kapuso Network bilang bagong host. Hindi lamang isa, kung hindi dalawang celebrity ang hahalili kay Velasquez sa show, sa katauhan ng Asia’s Pop Sweetheart na si Julie Anne San Jose at bagong Kapuso na si Rayver Cruz.

Ayon sa Facebook post ng Solid Kapuso Latest Updates, sina San Jose at Cruz na nga ang mangunguna sa laban ng mga mang-aawit para maging next GMA singing sensations. Walang duda na isa si San Jose sa napili dahil maliban kay Velasquez, siya ang isa sa mga premyadong singers ng GMA na nagkamit pa ng diamond recording award para sa kanyang first solo album.

Simula naman nang lumipat si Cruz sa Kapuso Network, nagsunod-sunod ang mga proyekto niya kabilang ang ilang teleserye at ang Sunday variety show na “Studio 7” kung saan natuklasan ang chemistry nila ni San Jose matapos gumawa ng ilang production numbers nang magkasama.

Inaasahang sa Setyembre na ang umpisa ng ‘The Clash’ Season Two, na ipapalit sa isa pang reality show na “StarStruck.” Mag-uumpisa na raw ang taping ng show kaya inaasahang gagawing opisyal ng GMA ang announcement sa hosting stint na ito nina Cruz at San Jose sa mga susunod na araw.

Larawan mula sa YouTube account ng GMA Network

Samantala, mananatili namang judges ng show ang set ng hurado noong Season 1 na kinabibilangan ng Asia’s Nightingale na si Lani Misalucha, Asia’s Romantic Balladeer Christian Bautista, at Box Office Comedy Concert Queen Ai-Ai delas Alas.

Matatandaang noong 2018, kahit umeere pa ang ‘The Clash’ ay matunog na ang balitang lilipat na sa ABS-CBN si Velasquez na umattend pa ng ABS-CBN Ball kahit nasa Kapuso Network pa siya. Ilang araw matapos ang finale ng ‘The Clash’ ay pumirma na nga ang Songbird ng kontrata bilang Kapamilya at lumabas sa isa pang singing contest na ‘The Search for the Idol Philippines.’

Si Golden Cañedo naman ng Cebu City ang naging first winner ng ‘The Clash.’

Source :

Facebook, PEP