James Reid ‘bumitaw’ na nga ba sa Viva Artist Agency?




Larawan mula sa Instagram account ni James Reid
  • Umalis na raw sa Viva Artist Agency ang multimedia prince na si James Reid
  • Ang ama na raw ni Reid ang hahawak ng kanyang career na pinangangambahang makababawas sa Jadine projects
  • Wala pang opisyal na pahayag si Reid o ang Viva tungkol sa career move na ito

Kung ang Star Magic ay mayroong LizQuen at KathNiel at ang GMA Network ay mayroong AlDub, mayroon naman ang Viva Artist Agency (VAA) na JaDine. Dahil nasa ilalim ng iisang talent firm, maraming proyekto ang pinagsamahan ng dalawa, kabilang ang blockbuster movies, concerts, endorsements, at television series.

Ngunit malakas ang usap-usapan ngayon na maaaring malilimitahan na o maaaring wala nang proyekto para sa on-screen at real-life couple na sina James Reid at Nadine Lustre nang magkasama dahil aalis na umano ang aktor sa poder ng Viva at pamamahalaan na ng ama nitong si Robert Malcolm Reid ang kanyang career.

Larawan mula sa Instagram account ni James Reid

Wala pang official statement mula sa magkabilang kampo, ngunit may mga balita nang lumalabas hinggil dito; maging sa website ng PUSH na official showbiz website ng mother network nina Lustre at Reid na ABS-CBN.

Ayon sa mga netizens, ito marahil ang dahilan kung bakit umurong na si Reid sa remake ng fantasy movie na Pedro Penduko, at kay Sam Concepcion na ipinareha si Lustre sa latest movie nito na ‘Indak.’

Kamakailan din ay nag-renew si Lustre ng kontrata sa ABS-CBN nang mag-isa na karaniwan ay ginagawa nila nang magkasama ni Reid.

Gayunman, mananatili pa rin naman daw sa Kapamilya Network si Reid kahit na wala na ito sa poder ng Viva; ngunit marami ang nagtatanong kung posible pa rin ang pagsasama nila sa mga proyekto gayong kailangan ng agreement ng Viva at ng bagong agency ni Reid bago sila makagawa ng anumang proyekto.

Larawan mula sa Instagram account ni James Reid

Hindi ito ang unang beses na nagpalit si Reid ng management agency. Noong 2010, matapos manalo sa reality show na Pinoy Big Brother, naging contract artist ng Star Magic si Reid sa loob ng dalawang taon at lumipat sa Viva kung saan ay nanatili siya ng pitong taon.

Sa Viva rin nakuha ni Reid ang malalaki niyang proyekto kabilang ang blockbuster movie na ‘Diary ng Panget.’

Sa ngayon ay walang proyekto si Reid sa TV at pelikula. Huli siyang napanood bilang hurado ng Search for the Idol Philippines, ngunit sa kanyang Instagram account ay makikita na may pinagkaabalahan siyang music video na “Fiend” ft. Just Hush. Sa mundo ng musika muna kaya magfo-focus si Reid?

Imahe mula sa Instaagram | James Reid

Inaasahang maglalabas ang kampo ni Reid ng official statement tungkol sa career move nito.