Imbes na bulaklak, mga sariwang gulay ginawang dekorasyon sa isang kasal




Imahe mula Molot Family via Facebook
  • Kinaaaliwan ngayon sa social media ang ginanap na kasalan sa isang simbahan sa La Trinidad, Benguet
  • Imbes kasi na bulaklak ang mga dekorasyon sa loob ng simbahan ay mga sariwang gulay ang ginamit
  • Ayon sa bagong kasal, ang pagsasaka umano ng gulay ang kanilang ikinabubuhay kaya naman ito ang naisipang gamitin na dekorasyon sa kanilang kasal
Imahe mula Molot Family via Facebook

Ang kasalan ang isa sa mga pinakaimportante at pinahahalagahang okasyon ng dalawang taong nagmamahalan.

Paano man ito idaos, simple man or magarbo, ang ikakasal ang magdedesisyon kung paano nila ito nais maganap. At sa pagdaan ng mga taon, ang tradisyonal na kasalan ay nahaluan na ng iba’t ibang tema at modernisasyon.

Nauuso na sa ngayon ang iba’t ibang tema pagdating sa mga kasalan. Mayroong garden at beach wedding, habang nagva-viral naman ang mga kakaibang tema sa prenup shoot ng mga magkasintahan.

Kamakailan naman marami ang nakapansin sa isang kasalan na ginanap sa simbahan sa may La Trinidad, Benguet na ginanap noong Hulyo. Ang mga litrato sa kasalang ito ay nire-post ng GMA News Facebook page at umani na ng halos 92k reactions, wala pang isang araw pagkatapos itong i-post.

Sa loob kasi ng simbahan, sa halip na mga bulaklak ang dekorasyon sa dadaanan ng bride at maski sa altar, mga berdeng-berde at sariwang gulay ang ginamit bilang palamuti.

Imahe mula Molot Family via Facebook

Mga gulay tulad ng repolyo, broccoli, at cauliflower ang mga dekorasyon sa nilakaran ng bride, ninong at ninang, at mga abay. Ayon sa ikinasal na sina Claver at Fleann Molot, and ideya raw na ito ay naisip ng kanilang tiyahin.

Ayon pa sa bagong kasal, sumang-ayon sila agad na mga gulay ang gamitin dahil ang pagsasaka ang kanilang pangunahing ikinabubuhay. Hindi rin daw nasayang ang mga dekorasyon na gulay dahil ipinamigay ito sa mga bisita at dumalo sa kasal.

Hindi raw nila sukat akalain na mapapansin sa social media ang para sa kanila ay simpleng kasalan lamang. Bukod sa kakaiba, nakatipid rin daw sila dahil hindi na bumili ng mga palamuti para sa simbahan.

Masaya ang mag-asawang Molot dahil sa pag-iisang dibdib nilang hindi nila makalilimutan at maski ng maraming mga netizens na napabilib sa kanilang tema.