Idol Philippines Top 5 finalists, nakipagkulitan sa Gandang Gabi Vice

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN Entertainment via YouTube channel
  • Naging guest sa programang Gandang Gabi Vice ang mga finalists ng katatapos lang na Idol Philippines
  • Sa programa, nagpakitang gilas ang top 5 finalists na kinatuwaan dahil sa pagpapakita nila ng mga natatanging talento
  • Game na game rin na nakipagkulitan sa host na si Vice ganda at nagbahagi ng kanilang mga karanasan sa kanilang idol journey ang mga finalists
Imahe mula Twitter at Instagram via Idol Philippines page

Sa katatapos lang na kompetisyon, itinanghal ang 16 anyos mula Laguna na si Zephanie Dimaranan bilang kauna-unahang Idol Philippines.

Mula sa daan-daang sumali at nag-audition, tanging ang top 12 lamang ang pumasok sa live shows.

Mula top 12, isa-isang natanggal sa kompetisyon ang ibang kalahok hanggang sa naging top 5 na lamang ang natira sa finals. Ito ay sina Dan Ombao, Miguel Odron, Zephanie Dimaranan, Lucas Garcia, at Lance Busa.

Mula sa lima, naging top 3 na lamang ang huling naglaban-laban para sa grand finals. Sa kanilang huling pagtatanghal, kinanta nina Zephanie, Lucas, at Lance ang mga orihinal na kantang binuo ng mga kilalang Pinoy song writers.

Sa huli, nagwagi si Zephanie at siya ang nag-uwi ng bagong bahay at lupa, recording contract mula Star Music, ticket papuntang Taiwan, at P2 milyon na cash prize.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN Entertainment via YouTube channel

Isang linggo pagkatapos ng kompetisyon, naging panauhin ang top 5 finalists sa programang Gandang Gabi Vice. Dito ay nakipagkulitan sila, nagkuwento ng mga karanasan, at ipinakita ang natatanging mga talento.

Binati ni Vice ang limang finalists dahil sa kanilang ipinamalas na performance sa Idol Philippines. Pagkatapos nito ay isa-isa niyang tinanong ang mga ito tungkol sa kanilang mga karanasan.

Ikinuwento ni Miguel ang dahilan kung bakit siya umano ang pinakamahiyain at tahimik sa grupo. Habang ibinahagi naman ni Lucas ang karanasan bilang singer noong hindi pa siya sumasali sa Idol Philippines.

Ipinakita rin ni Lucas ang talento sa paggaya ng boses ng mga Pinoy singers. Ginaya niya ang boses ng mga bigating singer tulad nina Vina Morales, Janno Gibbs, at Jaya. At nag-duet pa sila ni Zeph ng kanta nila Regine Velasquez at Ogie Alcasid.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN Entertainment via YouTube channel

Si Lance umano ang tumatayog kuya o ‘tito’ ng grupo. Dahil siya rin umano ang hinihiraman ng mga damit at sapatos.

Samantala, ipinakita naman ni Dan ang kaniyang talento sa pagsayaw ng ballet. Game na game niyang binuhat si Lucas na ikinatuwa naman ng host na si Vice Ganda.

Mayroon namang solo interview si Zephanie kung saan ay ikinuwento niya ang mga karanasan sa pagsali sa mga singing competition. Ipinakita rin niya ang galing sa pagkanta habang ginagaya ang teknik nina Sarah Geronimo, Moira Dela Torre, at KZ Tandingan. Sa huli ay bumirit din siya mala-Aegis.

Panoorin ang kanilang kulitan sa ABS-CBN Entertainment Youtube channel:

Ang pag-iimpersonate naman ni Lucas sa videong ito: