ID para sa mga alagang aso, ipatutupad ng isang mall sa QC




Imahe mula kay Bono The French Bulldog via Instagram
  • Katulad ng sa mga tao, may mga panuntunan din ang mga alagang hayop na kailangan sundin ng kanilang mga may-ari kapag pumapasok sa kahit anong establisimyento tulad ng malls
  • Isa sa mga patakaran ng mall ay ang pagkuha ng mga alagang hayop ng stub bago makapasok
  • Ngunit nauuso na rin ngayon sa karamihan ng mall ang pagkakaroon ng pet ID na siyang kinaaaliwan ng mga netizens dahil sa isang post tungkol sa alagang aso na mayroong pet ID
Imahe mula Shutterstock

Karamihan sa mga alagang aso ay sinasanay ng kanilang mga amo ng tamang kaugalian lalo na kapag nasa pampublikong lugar ang mga ito.

Madali namang maturuan ang mga alagang hayop katulad ng aso, dahil sila ay masunurin at matatalino. Kaya naman ang mga ito ay madaling isama sa mga pampublikong lugar tulad ng malls at restaurants.

Ngunit hindi basta-basta ang pagdadala ng mga alagang hayop sa mga lugar tulad ng malls at iba pang establisimyento. Mayroong panuntunan na sinusunod dito sa pagdadala ng mga alagang hayop tulad ng mga aso.

Isa sa mga sinusunod ng mga may alagang aso ay ang pagrerehistro sa kanilang mga alaga sa Concierge bago pumasok sa mall. Kapag pinarehistro ang aso, bibigyan sila ng stub.

Bukod dito, inaatasan din ang mga pet owners na lagyan ng sapin ang kanilang mga alagang aso bago ipasok sa mall. Ito ay upang maiwasan ang pagkakalat ng dumi ng mga hayop sa kahit anong parte ng mall.

Kapag naman hindi naiwasang nakapagkalat ng dumi ang alagang aso, ang amo ang may responsibilidad sa agarang paglilinis nito. Kailangan din na ang alagang hayop ay nakatali o nakalagay sa isang lalagyan upang hindi sila makawala at kung saan-saan mapupunta.

Imahe mula kay Bono The French Bulldog via Instagram

Habang may ibang malls naman na nagbibigay ng serbisyo para sa mga alagang aso tulad na paggugupit sa kanilang mga balahibo, o kung nais mo namang iwan ito sa kanilang nursery kung saan ay makahahalubilo nila ang iba ring alagang aso.

Samantala, sa isang mall sa Quezon City, naisipan ng kanilang management na maglabas ng mga “pet ID” kung saan nakalagay ang mga detalye tungkol sa alagang hayop.

Sa Facebook post ng Bono The French Bulldog pinasilip nito kung ano ang magiging hitsura ng pet ID. Nakasaad dito ang pangalan ng alagang hayop, contact number ng may-ari, breed, kulay, at maski ang kaniyang birthdate.

Ayon sa management ng U.P. Town Center, sa mga susunod na araw ay maglalabas na raw sila ng panukala kaugnay sa pagkakaroon ng mga alagang hayop ng pet ID kapag pumapasok sa kanilang mall.

Importante na rin ang mga pet ID upang hindi mawala ang mga alagang hayop at syempre ay makilala rin sila ng mga taong nakakasalubong nila at natutuwa sakanila.