Hindi pa huli para matuto: Isang nanay kasabay ang anak na pumapasok sa eskuwela bilang Grade 1




Mga imahe mula sa Facebook account ni Darwin Pilar
  • Mag-ina sabay na pumapasok bilang mga Grade 1 students sa isang paaralan sa Marinduque
  • Ang nanay ay hindi nakapag-aral noon kaya hindi ito marunong magbasa at magsulat
  • Bumuhos ang tulong sa mag-ina matapos maitampok sa isang dokumentaryo ang kanilang kuwento

Karaniwan na sa pamilyang Pilipino ang paghatid at pagsundo ng ina sa kaniyang anak sa eskuwelahan. Sa kasawiang-palad, may mga ina na hindi nakaranas na makapasok sa paaralan tulad ng isang ina sa Marinduque.

Sa isang dokumentaryo ng Reel Time, itinampok dito ang buhay ng mag-inang sina nanay Monalisa at Norelyn na kapuwa Grade 1 students sa Tarug Elementary School.

Imahe mula sa Facebook account ni Darwin Pilar

Si Nanay Monalisa ay hinihikayat ng mga guro sa Tarug dahil nais nilang matulungan ang pamilya nito. Kaisa ang Teacher-in-Charge na si Ginoong Darwin Pilar sa mga humihikayat kay Nanay Monalisa na ipagpatuloy nito ang pag-aaral.

Nais nilang matulungan at magabayan ang mag-ina dahil kung hindi nila iyon gagawin ay posible pang matulad si Norelyn sa kalagayan ng ina.

Samantala, masaya naman ang anak na si Norelyn dahil kahit paano ay natututo na ang kaniyang ina na hindi marunong magbasa at magsulat. Pagdating sa kanilang bahay, si Norelyn din ang nagtuturo sa ina sa pagsagot sa mga takdang-aralin nito.

Ayon sa kanilang guro na si Ginang Enrile Palermo, dahil advanced na ang mga batang mag-aaral ay iniaayon niya sa antas ng pang-unawa ni Nanay Monalisa ang itinuturo niya dito. Halimbawa na ang pag-trace sa mga hugis at letra.

Madali rin umanong mapagod at mainip si Nanay Monalisa, na hindi pa kayang isulat nang buo ang kaniyang pangalan nang walang gabay.

Ayon pa sa dokyu, si Nanay Monalisa ay hindi nakapag-aral noong siya ay bata pa dahil may sakit umano itong polio. Hindi rin umano siya nakalalabas ng bahay noon. Hindi rin niya alam kung ilang taong gulang na siya.

Nakatira ang mag-ina sa isang barung-barong kasama ang kanilang padre de pamilya na hindi rin nakapagtapos ng pag-aaral. Gayunman, nais niyang suportahan ang kaniyang misis kung nais pa nitong ipagpatuloy ang pag-aaral.

Ang nakaaantig na kalagayan ni Nanay Monalisa ay nagsisilbing inspirasyon na hindi pa huli ang lahat para matuto ang isang tao na nalipasan na ng panahon.

Imahe mula sa Facebook account ni Darwin Pilar

Matapos maipalabas sa telebisyon ang kuwento ng mag-ina, may mga nag-abot ng tulong sa mga ito at maging sa iba pang mag-aaral. Ayon sa Facebook post ni Ginoong Darwin Pilar, may ilan nang nakapagbigay ng mga gamit sa mag-ina.

Nakatutuwa na may mga nahahaplos  na puso ang kanilang kuwento ng pagsisikap.