‘Hello, Love, Goodbye’ humakot na ng mahigit P500-milyon




Imahe mula kay Alden Richards via Instagram
  • Inanunsyo ng Star Cinema ang magandang balita tungkol sa pinag-uusapang pelikula ngayon nila Kathryn Bernardo at Alden Richards na “Hello, Love, Goodbye”
  • Kumita na ang pelikula ng mahigit P500-M wala pang dalawang linggo mula nang ipalabas sa mga sinehan
  • Halos maabutan na nito ang kita ng nakaraang pelikula nila Kathryn at Daniel Padilla na “The Hows of Us” 
Imahe mula Star Cinema via Instagram

Tuloy-tuloy ang pag-arangkada ng blockbuster movie ng taon na ‘Hello, Love, Goodbye’ ng Kapamilya actress na si Kathryn Bernardo at Kapuso actor na si Alden Richards.

Bumabaha ng magagandang posts at reviews ang nasabing pelikula na hindi lang pinapalabas ngayon sa mga lokal na sinehan kundi pati na rin sa ibang bansa.

Kamakailan, nag-post ang Star Cinema sa kanilang Instagram account ng isang magandang balita tungkol sa pelikulang dinirek ni Cathy Garcia-Molina.

Kumita na ng mahigit P500-milyon ang pelikula wala pang halos dalawang linggong ipinapalabas ito sa mga sinehan. Sa una nilang post, inihayag ng Star Cinema na nasa P400 milyon na ang kita ng pelikula, ngunit pagkatapos lamang ng isang araw ay umakyat na ito sa mahigit P500-milyon.

Imahe mula kay Alden Richards via Instagram

Halos masabayan na ng HLG ang nakaraang pelikula nina Kathryn at nobyo nitong si Daniel Padilla na ‘The Hows of Us’ na kumita ng P404 milyon sampung araw pagkatapos nitong ipalabas sa mga sinehan.

Bukod sa unang tambalan ito nila Kathryn at Alden, ang pelikula rin ang kauna-unahang Pinoy movie na naipalabas sa Jeddah, Saudi.

Ngayon, bukod sa mga local theaters, pinapalabas rin ang pelikula sa mga lugar ng Guam, Saipan, Singapore, Papua New Guinea, Brunei, Middle East, Israel, Australia, New Zealand, U.S.A., Canada, at United Kingdom.

Noong July 31 unang inilabas ang ‘Hello, Love, Goodbye sa mga sinehan’ at sa unang araw pa lamang ay kumita na ito ng P34 milyon.