Good news! Matatanda, PWD bibigyan ng pagkakataon na maging empleyado sa isang giant fast food company

Imahe mula sa Manila Government Website
  • Tinugunan ng Jollibee ang hiling ni Mayor Isko Moreno na mabigyan ng pagkakataon ang mga matatanda at miyembro ng PWD na makapaghanapbuhay
  • Apat na kilalang fast food restaurants sa ilalim ng Jollibee ang inaasahang tatanggap ng mga 78 senior citizen, kasama na rin ang 39 pipi’t bingi sa lungsod ng Maynila
  • Ang mga matatanda ay bibigyan ng “light tasks” tulad ng pagtulong sa mga customer na makahanap ng uupuan at magfollow-up ng kanilang order

Matagumpay na naisakatuparan ang hiling ni Manila Mayor Isko Moreno na mabigyan ng pantay na pagkakataon ang mga matatanda at mga taong may kapansanan sa paghahanap ng trabaho o paghahanapbuhay.

Imahe mula sa JFC

Malugod na tinanggap ng Jollibee Foods Corporation (JFC) ang hamon ng alkalde sa pamamagitan ng pagpirma sa isang kasunduan na naglalayong bigyan ng trabaho ang mga senior citizen at ilang miyembro ng PWD.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, apat na fast food restaurants na hawak ng JFC ang magha-hire sa lungsod ng Maynila ng mga matatanda, pati na rin mga pipi at bingi. Kabilang sa mga ito ang Jollibee, Chowking, Mang Inasal, at Greenwich.

Aabot sa 39 branches ng mga fast food resto ang mangangailangan ng 78 senior citizens at 39 mute and deaf na empleyado.

Maaaring makatanggap ng P5,000 buwanang sahod ang mga qualified elders na magtatrabaho lamang ng hindi hihigit sa apat (4) na oras kada araw. Bibigyan rin sila ng mas magaang trabaho tulad ng pag-assist sa customers patungo sa kanilang upuan at pagfollow-up ng orders.

“Titingnan natin kung ano ‘yung bagay sa kanila, kakayanan nila,” anang JFC country business group head. Dagdag pa niya, “Dapat ‘yung nag-eenjoy sila at nakaka-contribute din sila sa tindahan natin.”

Imahe mula sa Manila Government Website

Magkakaroon naman ng tig-iisang empleyado na pipi at bingi ang 39 branches na sakop sa kasunduan.

Dadaan ang mga aplikante sa screening process at inaasahang makapagsisimula na sa susunod na linggo.