Gary Valenciano sa 35th wedding anniversary message: “Hindi ako perpekto pero minamahal niya ako”




Larawan mula sa Instagram account ni Gary Valenciano
  • Nagbigay ng makabuluhang mensahe si Gary Valenciano para sa kanyang asawang si Angeli Pangilinan
  • Ito ay bilang bahagi ng pagdiriwang nila ng ika-35 taong anibersaryo bilang mag-asawa
  • Sabi ni Valenciano, hindi raw perpekto ang kanilang pagsasama pero pinipilit nilang intindihin ang isa’t isa kaya sila tumagal

Tanyag ang pangalang Gary Valenciano dahil sa kanyang ‘di matatawarang talento sa pag-awit at pagsayaw. Lahat ng kanyang mga concerts ay dinumog at sinuportahan dahil sa kanyang mahuhusay na performances. Dahil dito, isa si Valenciano sa most decorated artists sa industriya ng musika sa Pilipinas.

Ngunit maliban sa kanyang fans, isa sa mga dahilan ng patuloy na pagtatagumpay ni Valenciano ay ang kanyang asawa at manager na si Angeli Pangilinan na pinasalamatan niya sa pamamagitan ng isang Instagram post bilang bahagi ng pagdiriwang nila ng ika-35 taong anibersaryo bilang mag-asawa.

Larawan mula sa Instagram account ni Gary Valenciano

Inilahad ni Valenciano sa kanyang post ang pampelikula nilang love story ni Pangilinan, kabilang ang anim na taong pagitan ng kanilang mga edad, maging ang mga naging pagsubok nila sa mahigit tatlong dekadang pagsasama.

“She was 25 and I was 19. Yes, yes, yes… I know our story is good enough to be made into a movie. But I’m here to say that this wouldn’t have lasted this long without the grace and mercy of almighty God to see us through,” bungad ni Valenciano sa kanyang post na umani na ng higit 18,600 likes.

Ibinahagi rin ni Valenciano na sa kabila ng kanyang imperfections, maging ng kanyang asawa, ay patuloy nilang iniintindi at minamahal ang isa’t isa kaya naman nasuklian ito ng mas matatag at mas mabungang pagsasama.

“We’ve been through the most challenging of times and thankfully we’ve come out of them only as people who wanted to become better and not bitter. No she isn’t perfect but I’m far more imperfect than she is and yet she loves me just the same and I’m truly thankful for this,” pagpapatuloy ng tinaguriang Mr. Pure Energy.

Hindi rin naman daw nangyari basta-basta ang maturity ng kanilang pagsasama dahil bata pa sila noong mag-umpisang bumuo ng pamilya, ngunit dahil sa pananalig nila sa Diyos, nakayanan nila ang mga pagsubok at nananatiling matatag.

Larawan mula sa Instagram account ni Gary Valenciano

“None of this developed overnight but over time… In fact, we still do at times but I believe it’s part of the dynamics of any relationship and it also brings us to realize the need of having God in the center of our union.”

Pinayuhan din ni Valenciano ang mga mag-asawa na patuloy na intindihin ang kanilang mga kapareha dahil ito ang isa sa mga susi ng matagumpay na pagsasama.

Espesyal ang okasyon para kay Valenciano dahil dumaan ang performer sa ilang problema sa kalusugan na napagtagumpayan naman niya.