Fliptop rapper na si Zaito, inireklamo sa Raffy Tulfo in Action




Imahe mula sa video ng Raffy Tulfo in Action via YouTube channel
  • Inireklamo ang fliptop rapper na si Zaito ng kaniyang kaibigan na rapper din na si Erwin Guina “Jamsam Rastah” sa kilalang programa sa radyo at mga social media na Raffy Tulfo in Action
  • Ayon kay Erwin, sinisiraan umano siya ni Zaito sa social media at sinasabihan ng mga hindi magagandang bagay na hindi umano totoo
  • Nagkausap ang dalawa on-air at sinubukang magkaayos
Imahe mula video ng Raffy Tulfo in Action via YouTube channel (i-click ang imahe upang mapanood ang buong video)

Wala pang 24 oras pagkatapos nitong pa-upload sa YouTube, humakot na ng milyon-milyong views ang paglapit ng artist-singer na si Erwin Guina “Jamsam Rastah” sa programang Raffy Tulfo in Action.

Ito ay upang ireklamo ang kaibigan niya na si Pedro “Zaito” Canon Jr. na kilala bilang fliptop rapper at aktor sa Ang Probinsyano.

Siniraan umano ni Zaito si Erwin sa kaniyang social media account — na siya raw ay magnanakaw, manggagamit, at walang utang na loob  – na pinabulaanan naman ni Erwin.

Ayon kay Erwin, maayos naman daw noong una ang relasyon nila ni Zaito, ngunit sa pagtagal ng panahon at sa dami ng mga event na kanilang pinupuntahan upang magtanghal, naging istrikto umano si Zaito at lagi nang pinag-iinitan si Erwin.

Hindi na umano matanggap ni Erwin ang lahat ng paninirang-puri na sinasabi sa kaniya ni Zaito, at naapektuhan na rin umano nito ang kaniyang trabaho bilang isang artist-singer. Kinakalat din umano ni Zaito ang kaniyang mga larawan at pinagmumukha siyang katawa-tawa sa social media.

Nagkausap naman ang dalawa on-air at ninais silang pagbatiin ni Raffy. Humingi si Erwin ng public apology mula kay Zaito, at nais naman ng fliptop rapper na magkaayos silang dalawa at humingi na rin siya ng tawad.

Imahe kuha mula sa video ng Raffy Tulfo in Action via YouTube channel

Ngunit tila hindi bukal sa loob ang paghingi niya ng tawad kay Erwin. Mas lalong nainis si Erwin nung sabihin ni Zaito na maliit na bagay lamang ang nangyaring gusot sa pagitan nilang dalawa. Dito na sinabi ni Erwin na itutuloy na lang umano niya ang pagsasampa ng kaukulang kaso para kay Zaito.

Dahil dito, pumagitna na si Raffy at sinabi kay Zaito na iba ang propesyon nito kumpara kay Erwin. Bilang isang fliptop rapper, humahanga umano sa kanila si Raffy dahil sa haba ng kanilang pasensya at pagbabalewala sa lahat ng hindi magagandang sinasabi at panlalait tuwing may fliptop battle.

Sa puntong ito, taos puso nang humingi ng tawad si Zaito kay Erwin at sinabing babawiin niya na lahat ng hindi magagandang sinabi tungkol dito. Sinabi rin ng rapper na tutulungan niya ang kaibigan na makahanap ulit ng mga raket.

Imahe mula sa video ng Raffy Tulfo in Action via YouTube channel

Tinanggap naman ni Erwin ang paghingi ng tawad ni Zaito at hiniling na hindi na ito maulit pa. Sinabi rin ni Erwin na pinatawad lang umano niya si Zaito para sa mga anak nito, dahil maski siya ay may anak din. Dahil sa ginawa ni Erwin, humanga sa kaniya si Raffy at sinabing mabait na tao ito.

Hiningi rin ni Erwin na burahin na ni Zaito ang lahat ng posts tungkol sa kaniya at bawiin ang lahat ng hindi magagandang bagay na sinabi niya. Agad rin namang sinunod ito ni Zaito at sa huli ay hindi na tinuloy ni Erwin ang pagsampa ng kaso.

Source :

YouTube