She was there: Fan, pinuntahan ang lugar kung saan nag-date ang mga tauhan sa pelikulang ‘Hello, Love, Goodbye’




Larawan mula sa Facebook account ni Fritz Chel Sunga Pineda
  • Dinayo ng isang “Hello, Love, Goodbye” fan ang lugar kung saan nag-date ang mga bida ng pelikula sa kuwento
  • Nakipag-selfie siya sa ‘Joy is Here’ na isinulat ni Kathryn Bernardo sa pelikula
  • Maraming netizens naman ang gusto ring makapunta sa dating place nina Ethan at Joy

Patuloy ang tagumpay ng latest Star Cinema movie na “Hello, Love, Goodbye” na pinagbibidahan nina Kathryn Bernardo at Alden Richards. Sa kasalukuyan, ito na ang second highest grossing Filipino movie of all time.

At dahil hindi pa maka-move on ang mga nakatunghay sa pelikula, iba’t ibang “Hello, Love, Goodbye” memes, parodies, at reflections ang kumakalat sa social media. Ngunit isang babae ang talaga namang umagaw sa pansin ng mga netizens dahil hindi lamang basta meme ang ibinahagi niya, kung hindi mga larawan niya sa isang memorable spot kung saan kinuhanan ang ilang eksena ng pelikula.

Larawan mula sa Facebook account ni Fritz Chel Sunga Pineda

Marami ang naiinggit sa Facebook post ni Fritz Chel Sunga Pineda dahil mayroon siyang mga larawan sa roof deck kung saan ginawa ang first monthsary date ng mga tauhang ginagampanan nina Bernardo at Richards na sina Joy at Ethan.

Sa pelikula, sinulatan ni Joy ang barikada ng roof deck ng “Joy is here” bilang pagpapaalala kay Ethan na lagi lamang siyang kasama ng karakter ni Richards saan man siya magpunta.

Hindi pala binura ng staff ng “Hello, Love, Goodbye” ang sulat na ito ni Bernardo sa pelikula kaya naman nakapag-selfie pa si Pineda rito.

“When ‘Hello, Love, Goodbye’ hits you hard,” sambit ng fan mode na si Pineda sa kanyang post.

Maliban sa selfie sa “Joy is here,” may ilan pang larawan si Pineda sa roof deck sa Mong Kok. Bumilib naman ang mga netizens sa dedikasyon ni Pineda na hanapin ang lugar gayong hindi naman ito isang tourist attraction bago gawin ang blockbuster movie ng KathDen.

Larawan mula sa Facebook account ni Fritz Chel Sunga Pineda

“Sana all,” ang sigaw ng ilang netizens at fans ng movie dahil gusto rin nilang makapunta sa dating place nina Ethan at Joy.

Sa kasalukuyan, mayroon nang mahigit 20,000 reactions, 3,500 comments, at 25,000 shares ang post na ito ni Pineda.

Wala pa namang balita kung nakaabot na kina Richards at Bernardo ang mga larawan ni Pineda. Inaasahan namang habang patok ang pelikula ni Cathy Garcia-Molina na “Hello, Love, Goodbye” ay magiging isang atraksiyon sa Hong Kong ang roof deck ng building na iyon.