Fan nakiusap kay Shaira Diaz ng larawan pero gamit ang cellphone ng aktres; Diaz may sweet na mensahe sa fan




Larawan mula sa Facebook page ni Shaira Diaz
  • Trending ngayon sa social media ang post ng Kapuso actress na si Shaira Diaz
  • Nakiusap kasi ang isang fan sa kanya na kung maaari ay makipag-selfie ito sa kanya ngunit gamit ang cellphone ni Diaz dahil hindi pinahihintulutan sa trabaho nito ang makipag-selfie
  • Ibinahagi naman ni Diaz sa kanyang Facebook page ang larawan para makarating sa fan na nakipag-picture sa kanya

Kabilang na sa buhay ng isang celebrity ang pagpapakuha ng larawan kahit saan man sila magpunta. Kahit hindi oras ng trabaho, may mga fans na nakikiusap ng larawan o autograph man lang sa kanilang iniidolong artista.

Ngunit kakaiba ang karanasan ng Kapuso rising actress na si Shaira Diaz dahil ang nakipag-selfie sa kanyang fan ay nakiusap sa kanya na kung maaari ay cellphone ng aktres ang gamitin dahil hindi pinahihintulutang gumamit ng cellphone ang lalaki na staff ng isang grocery store at naka-duty nang araw na iyon.

Magiliw na ibinahagi ni Diaz ang kanilang larawan ng fan sa isang Facebook post at doon inilahad ang munting pakiusap nito. Dahil hindi kilala ni Diaz ang fan, umasa siyang makikita nito ang kanilang larawan sa pamamagitan ng kanyang official page.

Larawan mula sa Facebook page ni Shaira Diaz

“Si kuya nagpa-picture, bawal daw kasi phone sa kanila kaya yung akin na lang daw. Sana makita niya ito. Hehe. God bless, kuya!” sweet na mensahe ng TV5 talent search discovery.

Nagtagumpay naman si Diaz dahil tila nag-aabang talaga ang fan niya para sa kanilang larawan. Nagkomento ang lalaking kasama niya sa kanyang larawan na si Vincent Flores at nagpapasalamat ito dahil hindi nakalimutan ni Diaz na i-post ang kanilang retrato.

“Thank you ma’am. Di mo nakalimutang i-post yung picture natin,” comment ni Flores na umani naman ng mahigit 1,600 reactions. Sumagot naman si Diaz at sinabing “walang anuman.”

Sa comments din ay mababasa ang mga papuri kay Diaz na likas daw na magiliw sa mga fans na humihiling ng larawan kasama siya.

Sabi ng isang fan na nakipag-kodakan rin kay Diaz, ang aktres pa raw ang nagsabi na lumapit ang fan sa kanya dahil masyado itong malayo at baka hindi makita sa larawan.

“Naalala ko tuloy itong pic na to ma’am Shai. Malayo ako sa inyo nagpa-picture ako pero pinalapit mo ako at hinawakan mo pa ang likod ko,” sabi ng isang Argie Rapsing.

Larawan mula sa Facebook page ni Shaira Diaz

Sa kasalukuyan, mayroon nang 62,000 reactions, mahigit 2,000 comments, at 10,000 shares ang post ni Diaz.

Si Diaz ay isa sa mga bagong mukha ng GMA Network na nakakukuha ngayon ng malalaking proyekto kabilang ang primetime series na “Love You Two” kung saan kasama niya sa main cast sina Jennylyn Mercado at Gabby Concepcion.

Produkto si Diaz, na unang nakilala bilang Shaira Mae, ng defunct reality show na Artista Academy ng TV5. Lumipat siya sa GMA Network noong 2016 at nagtuloy-tuloy na ang magagandang proyekto kabilang ang ilang series at pelikula.