Donita Nose, balik sa Wowowin; inilahad ang tunay na dahilan ng pagkawala sa show

Larawan mula kay Donita Nose at sa Wowowin Page
  • Balik sa Wowowin ang komedyante at host na si Donita Nose mahigit isang taon mula nang mawala siya sa show
  • Ayon kay Donita, hindi siya umalis sa Wowowin kundi tinanggal siya
  • Guesting pa lamang ang appearance ni Donita sa Wowowin pero hindi isinasara ang posibilidad na mapanood siyang muli sa show araw-araw

Nang nagsimulang umere sa GMA Network ang afternoon game show ni Willie Revillame na ‘Wowowin,’ isa sa mga nabigyan ng big break ang komedyante at host na si Donita Nose. Isa si Donita sa naging main co-host ni Revillame sa loob ng ilang taon na naging dahilan para mapansin siya ng Kapuso Network at mabigyan ng iba’t ibang proyekto.

Gayunman, sa gitna ng kasikatan, nabalot ito ng kontrobersya nang hindi na mapanood si Donita sa Wowowin. Noong Abril 2018, bigla na lamang hindi na lumabas sa game show si Donita at kinumpirma na hindi na siya talaga bahagi nito.

Larawan mula sa YouTube video ng Wowowin

Hindi naging malinaw ang dahilan ngunit sinabi ni Donita na wala naman daw silang alitan ni Revillame at bahagi ito ng desisyon ng production team upang magkaroon ng bagong flavor ang show.

Sa latest episode ng Wowowin, pinatunayan ni Donita na nanatiling maganda ang relasyon nila ni Revillame dahil bumalik ang komedyante bilang guest co-host ng programa.

Tulad ng inaasahan, naging sentro ng biruan ang naging pag-alis ni Donita at iba pang dating co-host ng Wowowin. Ayon kay Revillame, nawala raw si Donita sa show dahil na-in love ito nang sobra sa boyfriend at iniwanan lamang ito.

Biniro din ni Hipon Girl Harlene si Donita na siya na ang bagong reyna ng Wowowin at umangkin sa tronong iniwan ni Donita.

Sumagot naman si Donita at nilinaw na hindi siya umalis sa show kung hindi nasibak siya.

“Hindi ako umalis… tinanggal ako…” sagot ni Donita sabay yakap kay Revillame.

Larawan mula sa Instagram account ni Donita Nose

Kailangan lamang daw talagang umalis ni Donita dahil magre-reformat ang show at desisyon iyon ng management.

Nagpasalamat naman si Donita dahil nagsimula lamang daw siya noon bilang contestant at guest sa Willie of Fortune, pero ngayon ay contract artist na siya ng GMA Network dahil kay Revillame.

Sinabi rin ni Donita na sobra niyang na-miss ang programa kahit mayroon na rin siyang iba’t ibang project sa Kapuso Network.

Sa kasalukuyan ay guesting pa lamang ang paglabas ni Donita sa Wowowin, ngunit malaki ang posibilidad na bumalik siya sa show dahil bubuksan na ang bagong season ng “The Will to Win” kung saan tumayong isa sa mga hurado si Donita sa unang season.