Design studies ng New Manila International Airport, pinasilip ng San Miguel Corp.




Mga imahe mula SMC via Jess Fenol, ABS-CBN News
  • Naglabas ng litrato ang San Miguel Corporation (SMC) ng mga design studies ng gagawing New Manila International Airport sa Bulakan, Bulacan
  • Ang SMC ang naitalagang magtatayo ng inaasahang pinakamalaking paliparan sa bansa na may itinakdang badyet na P734 bilyon
  • Unang iminungkahi ng SMC ang pagpapatayo ng paliparan tatlong taon na ang nakararaan, at dahil walang ibang katunggali sa Swiss Challenge, sila ang nabigyan ng kontrata ng Department of Transportation
Imahe mula SMC via Jess Fenol, ABS-CBN News

Ilang beses nang nasabihan at tinawag na isa sa mga “worst airports” ang Ninoy Aquino International Airport or NAIA sa may lungsod ng Pasay. Ayon sa mga ulat, ito ay dahil sa hindi magandang serbisyo, imprastraktura, pasilidad, at hindi magagandang karanasan ng mga lokal at dayong pasahero.

Dahil ang NAIA ang isa sa mga pangunahing paliparan dito sa bansa, maraming mga pasahero ang nagtitiis na lamang. Ngunit sa mga susunod na taon, mababawasan na ang dami ng pasahero sa NAIA dahil masisilayan na ang pinakamalaking paliparan na itatayo dito sa bansa.

Tatlong taon na ang nakararaan, iminungkahi ng San Miguel Corporation (SMC) ang pagtatayo ng New Manila International Airport. Ang proyektong ito ay inaasahang sasakop ng 2,500 ektarya sa Bulakan, Bulacan.

Kamakailan lang, ipinahayag ng Department of Transportation (DOTr) na dahil walang ibang humamon sa Swiss Challenge para sa proyektong iminungkahi ng SMC, ay sa kanila na mapupunta ang kontrata ng paggawa sa paliparan na mayroong badyet na mahigit P734 bilyon.

Imahe mula SMC via Jess Fenol, ABS-CBN News

No one bought our bid documents, no one submitted comparative proposals to challenge the original proponent, which is San Miguel. This means we will award the project to San Miguel,” ayon kay Giovanni Lopez ng DOTr.

Ang nasabing paliparan ay inaasahang magkakaroon ng apat hanggang anim na runways. Ito rin ay may kapasidad na tumanggap ng mahigit 100 milyon na mga pasahero kada taon.

Ayon pa sa pahayag ng SMC, ang paliparan na ito ay inaasahan din na magdadala ng “trillion dollars” sa ekonomiya ng bansa, 35 milyon na mga turista, at mahigit 30 milyon na trabaho para sa mga nakatira sa Bulacan at sa mga kalapit na probinsya.

It will provide more and better livelihood opportunities, not to take them away, ensure environmental balance and enhance resilience against calamities, because it’s the right thing to do,” ani ng SMC president at COO na si Ramon Ang.

Imahe mula SMC via Jess Fenol, ABS-CBN News

Dahil naaprubahan na ang proyekto, naglabas na rin ang SMC ng mga posibleng design studies ng paliparan. Makikita dito ang malawak at “state-of-the-art” facility na tunay nga namang nakamamangha at nakasasabik makita na maitayo na.

Ayon pa sa SMC, ang imprastraktura ng terminal ay magkakaroon umano ng “energy-efficiency.” Ang mga pader at bahagi ng kisame ay magiging gawa umano sa glass upang makapasok ang natural na liwanag mula sa labas.

Sa ngayon, hinihintay na lamang ng SMC ang “Notice of Award” ng gobyerno bago nila maumpisahan ang paggawa ng paliparan. Inaasahan naman na mauumpisahan na ang pagpapatayo sa proyekto sa huling quarter ngayong taon.

We envision a brighter future for everyone, but we know what’s worth achieving isn’t necessarily easy. We will face rough waters along the way, that’s why we need everybody’s help and support to make this dream a reality,” saad ulit ni Ang.