Dating Eat Bulaga co-host Sinon Loresca pangarap maging bahagi ng It’s Showtime




Imahe mula sa Instagram account ni Sinon Loresca
  • King of Catwalk na si Sinon Loresca pangarap makasama sa It’s Showtime si Vice Ganda
  • Unang nakilala si Sinon sa Eat Bulaga na mahigpit na karibal ng It’s Showtime
  • Sakaling kunin siya sa ibang show ay hindi naman daw niya makalilimutan kung saan siya nanggaling

Pangarap pala ng tinaguriang “King of Catwalk” na si Sinon Loresca ang maging bahagi ng noontime TV show na “It’s Showtime” na kilalang mahigpit na karibal ng “Eat Bulaga” kung saan una siyang nakilala bilang si “Rogelio.”

Imahe mula sa Twitter account ni Sinon Loresca

Sa panayam sa kanya noong nakaraang linggo sa Dampa Seafood Grill sa Quezon City nang ilunsad siya bilang bagong endorser ng “Frontrow,” tinanong si Sinon kung tatanggapin ba niya kung sakaling alukin siya na maging bahagi ng “It’s Showtime.”

Walang gatol na sinagot ni Sinon ang tanong at sinabing ““Oh my God, It’s a dream for me!”

Tatanggapin niya ba talaga ang alok kahit na ang unang nagbigay sa kanya ng pagkakataon na sumikat bilang Rogelio sa Kalyeserye ay ang Eat Bulaga?

Ipinaliwanag niya na matagal na naman siyang wala sa Eat Bulaga.  Aniya, noon pang Marso ng nakaraang taon siya nawala sa noontime show na nagbigay sa kanya ng pagkakataong makilala kaya naman bukas siyang pumasok kahit na sa karibal na TV network.

Hindi naman daw niya makalilimutan kung saan siya nanggaling kahit na maging bahagi siya ng ibang show. Maganda pa rin naman daw ang relasyon niya sa Eat Bulaga family at sa GMA Network.

Imahe mula sa Instagram account ni Sinon Loresca

“Wala naman na ang pagkakataon po sa akin. Kung saan po ang trabaho, doon tayo. Kung saan po ang pagkakataon na mabibigyan ka nila, doon po tayo. Pero at the end, huwag lang po tayong makalimot kung saan ka nanggaling, iyon ang pinakaimportante,” sabi niya.

Bukas daw siya sa anumang pagkakataon at tatanggapin niya kung sakaling alukin siya ng “It’s Showtime” dahil iniidolo niya ang main host nito na si Vice Ganda na hindi pa raw niya nakikilala nang personal.

“It’s a dream for me, kasi siyempre, Vice Ganda! Iyan po ang pinakaidolo ko sa LGBT natin, iyan po ‘yung pinaka-queen natin. Hinahangaan ko siya, kasi magaling magpatawa, magaling siya sa lahat ng bagay, napakabilis niyang magpatawa,” aniya.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

“So, dream ko rin po iyon. Kahit saan naman po ako, puwede na, e, kasi wala naman po akong contract na channel, e. So I’m open for any kind of opportunities. Idol ko si Vice, hindi ko pa nami-meet, I wish one day. So, hopefully, makita ko siya kasi I’m a big fan. Sobrang fan ako ng isang Vice Ganda,” pagtatapos ng King of Catwalk.

Source :

LionheartV, PEP