Classic na laro sa peryang ‘color game’ mayroon nang android application




Larawan mula kay Garce Sumala at Google Play
  • Kinaaaliwan ng mga netizens ang isang perya-based app na ‘Pinoy Color Game’
  • Sa pamamagitan ng app na ito, malalaro na ang klasikong perya game kasama ang mga mahal sa buhay
  • Ginawa ng isang Pinoy app developer ang ‘Pinoy Color Game’ app na maaari pa lamang malaro sa android phones

Bahagi ng makulay at masayang kultura ng mga Pilipino ang mga peryahan. Tuwing panahon ng pista, mapupuntahan ang mga perya sa iba’t ibang probinsya at lungsod sa Pilipinas. Sa mga peryahan, mayroong iba’t ibang rides tulad ng ferris wheel, carrousel, caterpillar, at iba pa. Liban sa mga ito, mayroon ding mga laro kung saan maaaring manalo ng mga papremyo.

Isa sa mga larong ito ay ang klasiko at Pinoy favorite na “color game”. Sa larong ito, pipili ang isang player ng kulay na sa tingin niya ay lalabas mula sa tatlong cubes na ibabagsak sa lapag. Karaniwang hindi lamang isang lamesa ng ‘color game’ ang makikita sa isang peryahan dahil maraming Pilipino ang nahuhumaling sa larong ito.

Larawan mula kay Garce Sumala

Ngunit dahil hindi laging mayroong perya sa isang lugar, isang app developer ang bumuo ng isang android application kung saan maaaring malaro ang color game kahit nasaan ka man.

Ibinahagi ng Facebook user na si Grace Sumala ang larawan ng kanilang instant color game sa kanilang bahay na naging posible dahil sa application na ‘Perya Color Game.’ Makikita ang ginawa nilang pagpipilian kung saan maaaring tumaya ang isang player ng hula nilang lalabas.

“Kapag bored sa bahay. Haha,” pagbabahagi ni Grace Sumala na kalaro ang kaanak na si Harrence Sumala.

Kapag nakataya na ang isang player, dito nila pagaganahin ang application kung saan gugulong ang tatlong cube at maglalabas ng mga kulay na mananalo.

Dahil hit na hit sa Pinoy, umabot na sa 13,000 reactions, 26,000 comments, at 39,000 shares ang post ni Sumala sa Facebook. Kanya-kanyang tag ang mga netizens sa kanilang mga barkada, mahal sa buhay, at iba pang kakilala na subukan rin ang application para sa perya-experience sa kanilang mga tahanan.

Larawan mula sa Google Play Store

Sa tuwa ng isang netizen, binansagan niya ang application na ‘portable perya’ at humiling na sana ay may application din ang iba pang mga laro sa perya.

Likha ng Filipino application developer na IT All Star ang ‘Perya Color Game’ app na sa kasalukuyan ay mayroon pa lamang 400 downloads. Sa android phones pa lamang maaaring ma-download ang laro at wala pa sa iOS.