Batas para sa pagtatalaga ng mga upuan para sa mga kaliweteng estudyante, pinirmahan na




Imahe mula Shutterstock
  • Pinirmahan na ni Pangulong Duterte ang bagong batas na tinawag na Republic Act 11394
  • Ang batas na ito ay naglalayon sa mga educational institutions na magtalaga ng mga upuan para sa mga estudyanteng kaliwete o ang kaliwang kamay ang ginagamit sa pagsusulat
  • Maraming mga estudyante ang natuwa sa panukalang ito at sinabing matatapos na ang kanilang paghihirap sa tuwing magsusulat
Imahe mula Shutterstock

“The struggle is real”,  ‘ika nga ng mga taong nahihirapan sa isang sitwasyon ngunit kinakaya pa rin nila sa araw-araw.

Marami sa ating mga Pinoy ang nalalagay sa sitwasyong kailangan nating magtiis dahil wala naman tayong ibang pagpipilian kundi gawin ang bagay na iyon.

Kalimitang sa ganitong mga sitwasyon ay ang pagkaipit natin sa traffic, ang paghihintay sa late na train ng MRT o LRT, o ‘di kaya’y ang pagpila sa pagkahaba-habang bilihan ng ticket para lang makapanood ng pelikula.

Marami sa atin ang makare-relate sa ganitong klaseng mga sitwasyon kung saan ay mapabubuntong-hininga na lang tayo at magtitiis.

Isa pa sa masasabing ganitong insidente ay ang pakikibaka ng mga left-handed na estudyante sa pagsusulat sa upuan na para lang sa mga right-handed.

Sa bawat classroom sa mga paaralan dito sa bansa, halos lahat ng mga armchairs ay ginawa para sa mga right-handed na estudyante o iyong mga tao na ang kanang kamay ang ginagamit sa pagsusulat.

Malaking porsyento ng tao sa buong mundo ay mga right-handed, at sinasabing halos 10% lang ng buong populasyon ay left-handed o iyong mga taong ang kaliwang kamay ang pangunahing ginagamit sa araw-araw nilang gawain.

Kaya naman ang mga left-handed na mga estudyante ay dumadaing sa tuwing ang armchair na kanilang ginagamit sa loob ng classroom ay para lang sa mga right-handed. Mahirap nga namang magsulat sa right-handed armchair at minsan pa ay nalalagyan ng tinta ng ballpen ang kanilang mga kamay.

Ngunit mayroong magandang balita ang administrasyon para sa mga kaliweteng estudyante.

Nilagdaan na ni Pangulong Duterte ang batas na Republic Act 11394 o ang Mandatory Provision of Neutral Desks in Educational Institutions Act. Nilalayon ng batas na ito ang pagbibigay ng “neutral” armchairs para sa parehong right-handed at left-handed na mga estudyante.

Nasasaad sa batas na ang parehong private at public educational institutions ay inaatasang maglaan ng mga armchair na angkop para sa mga mag-aaral na gumagamit ng kaliwa o kanang kamay sa pagsulat.

Ang batas na ito ay eepekto labinlimang araw pagkatapos itong mailathala sa mga dyaryo o Official Gazette.