Balik-tanaw: Si Lorna Tolentino noong siya ay isa pa lamang child star




Images via Larawan at Alaala ng Nagdaang Panahon, at Lorna Tolentino | Facebook
  • Bago naging isa sa mga pinakasikat na dramatic actresses, bumilib na ang lahat sa husay ni Lorna Tolentino bilang child star
  • Isa sa mga unang papel na ginampanan niya ay ang “Mga Anghel Na Walang Langit” noong 1970
  • Sa haba ng kanyang karera sa showbiz, nakakuha na rin siya ng maraming awards at nominations

Kilala ang batikang aktres na si Lorna Tolentino bilang isa sa mga pinakamahuhusay na artista pagdating sa heavy drama. Ngunit alam ba ninyo na nagsimula muna siya sa pagiging isang child star?

Image via Larawan at Alaala ng Nagdaang Panahon | Facebook

Sa Facebook group na “Larawan at Alaala ng Nagdaang Panahon”, ibinahagi ng isa sa mga miyembro ang larawan ni Lorna noong siya ay musmos pa. Dito ay nagbalik-tanaw ang mga miyembro ng grupo sa panahon ng kabataan ng aktres.

Noon pa lamang child star siya ay kinakitaan na si Lorna ng husay sa pag-arte. Isa sa mga una at hindi makalilimutang pagganap niya ay ang pagiging isa sa mga child stars na umantig ng puso ng mga manonood sa “Mga Anghel Na Walang Langit” at sa pagganap niya bilang batang Susan Roces sa pelikulang “Divina Gracia”; kapwa noong 1970.

Sa kalaunan ay naging isa siya sa pinakamahuhusay na aktres ng kanyang panahon. Ilan sa mga tumatak na roles niya ay ang mga ginampanan niya sa “Uod at Rosas” (1981), “Moral” (1982), “Sinasamba Kita” (1982), “Init sa Magdamag” (1983), “Somewhere” (1984), “Huwag Mo Kaming Isumpa” (1986), “Nakagapos na Pus0″ (1986), “Pinulot Ka lang sa Lupa” (1987), at “Natutulog ba ang Diyos?” (1988). Nakaipon din siya ng napakaraming awards at nominations.

Sa showbiz din natagpuan ni Lorna, o Victoria Lorna Perez Aluquin sa totoong buhay, ang kanyang one true love — ang sikat na action star na si Rudy “Daboy” Fernandez. Nagkaroon sila ng dalawang anak na lalaki, sina Ralph at Renz.

Image via Lorna Tolentino’s Facebook page