Balik-tanaw: Ang nakaaantig na liham ni Jose Rizal para sa kapatid na may problema sa asawa




Image via Wikipedia and Facebook group Pilipinas Noon
  • Binalikan sa isang Facebook group ang isa sa mga liham ng bayaning si Jose Rizal para sa kanyang kapatid
  • Pinayuhan ni Pepe ang kanyang kapatid na si Maria sa problema nito sa buhay may asawa
  • Aniya, magtiis muna ito sapagkat kapag may kalungkutan ay may darating na kasiyahan

Ano kaya ang pakiramdam na maging kapatid ng dakilang bayani na si Jose “Pepe” Rizal? Sa isa sa mga liham ni Pepe para sa kapatid niyang si Maria Rizal, makikita kung anong klase ng kapatid ang ating magiting na idolo.

Image capture via Facebook

Ilang beses na rin naibahagi sa social media ang mga liham ni Pepe para sa kanyang mga nakakasulatan noon; mga sulat para sa kanyang mga kapatid, kaanak, kaibigan, iniirog, at iba pa. Paborito kasi ang mga ito ng mga pumupunta sa museo dahil mas nakikilala pa sa mga ito ang ating bayani. At nitong nakaraan lamang, may nagbahagi muli ng ilan sa kanyang mga sulat, kabilang na ang liham niya para kay Maria na noon ay may pinagdadaanan sa buhay may asawa.

“Magtiis-tiis ka na muna ng hirap dito sa lupa at maaasahan mong sa isang buhay ay ligaya na lamang at tuwa ang iyong kakamtan,” payo niya sa kanyang minamahal na kapatid, na isa rin sa mga pinakamalalapit na kaibigan niya.

“Ang buhay natin ay maikli at ang hirap dito’y madaling lumipas. Tiisin mo na’ng lahat alang-alang sa ngalan mong Rizal at sa iyong mga anak….Kaaawaan din kayo ng Dios na nag-iisa! Kapag may kalungkutan ay may kasiyahan,” dagdag niya.

Sa mga liham ni Pepe kay Maria, makikita kung gaano siya kalapit sa kapatid. Marami siyang ibinabahagi rito kahit pa saan man siya pumunta; katulad na lamang ng liham na ito na isinulat niya sa Hong Kong noong taong 1891.

Sinabi rin ni Pepe sa sulat na nabalitaan niyang magaganda at matatalino ang anak ni Maria. Mababasa sa sulat niya kung gaano siya kasaya para sa kanyang kapatid; na bagama’t nahihirapan ang loob ay pinalad naman sa kanyang mga anak.

Binilin din niya sa kapatid na ihalik siya nito sa kanyang mga pamangkin.

Image via Ulrikz Ziur/Pilipinas Noon | Facebook