Bakit wala ka pang anak? Hindi kasi lahat ng babae ay gustong magkaanak – Survey

Imahe mula sa Pexels
  • May mga taong kumukuwestiyon sa mga babaeng ayaw magkaroon ng anak
  • Para sa iba, hindi kumpleto ang pagkababae kung walang anak
  • Sa kabila nito, may choice ang babae kung ayaw man niya o gusto

May mga babae na naniniwala na ang maging ina ang bubuo sa kanilang pagkatao o sa kanilang pagkababae. Gayunman, hindi lahat ay may ganitong pananaw. May mga babae pa rin na ayaw magkaanak dahil iyon ang kanilang mas pinili.

Ayon sa Pew Research Center survey noong 2018, pito sa sampung mga magulang sa United States na may edad na hindi bababa sa 50 ay ayaw nang magkaroon ng anak.

Imahe mula sa Pexels

Lumabas din sa pag-aaral na 58% ng mga nanay at 55% ng mga tatay na may edad 40 pababa ang nagsabi na ayaw na nilang magkaroon muli ng anak.

Samantala, apat sa sampung maybahay na wala pang anak ay nagsasabi naman na hindi nila nakikita ang sarili bilang magulang. Nang tanungin ang mga babae kung bakit ayaw na nilang mag-anak ay simple lang umano ang sagot ng mga ito — dahil ayaw lang nila.

Sa isang artikulo ng  NYTimes, may tatlo umanong pangunahing dahilan kung bakit may mga Amerikano na ayaw magkaroon ng anak.

Una, nais nilang magkarooon ng mas maraming oras para sa sarili at mas maramdaman ang personal na kalayaan.

Ikalawa, hindi sila magkakaanak dahil wala o ayaw nilang makipagrelasyon o magkaroon ng partner.

Ikatlo, marami ang nangangamba na hindi nila matutustusan ang mga gastusin sa panganganak at sa pagpapalaki ng anak.

May mga pag-aaral din na nagsasabing bumaba ang birth rate sa mga developed countries. Sa ganitong usapin, ang mga babae ang higit na nadidiin o nakukuwestiyon.

Sa paliwanag ng sikolohistang si Dr. Sarah Gundle sa Vogue, ang mga babae ay nabibigyan na ng mas maraming pagkakataon na piliin kung ano ang kanilang mga kagustuhan. At para sa iba, personal choice nila kung ayaw man nilang magkaroon ng anak.

Imahe mula sa Pexels

Samantala, may ilang tao na nag-iisip na mali ang ganitong pananaw ng mga babaeng ayaw magkaroon ng anak. May mga nagtuturing sa mga babaeng may asawa ngunit walang anak bilang “incomplete” at “unhappy.”

Para kasi sa nakararami, life goal ang magkaroon ng mga anak. Ngunit sana igalang din natin ang kagustuhan ng iba.