Babaeng nawalan ng alaala, umibig at na-engage muli sa asawa




Images via Laura Hart Faganello | Facebook
  • Siyam na buwan matapos ikasal, naaksidente at nawalan ng alaala ang maybahay na si Laura Hart Faganello
  • Paggising niya, akala niya ay 17 taong gulang lamang siya at hindi naaalala ang asawang si Brayden James Faganello
  • Bagama’t hindi pa rin naaalala ang asawa ay pakakasalan niya muli ito dahil sa “new feelings” at “new memories”

Posible pa bang manaig ang pagmamahal kung literal na hindi mo na naaalala ang iyong tunay na pag-ibig?

Siyam na buwan matapos ikasal, naaksidente at nawalan ng alaala ang maybahay na si Laura Hart Faganello. Nagising na lamang siya sa pag-aakala na siya ay 17 taong gulang lamang at walang kahit anong maalala tungkol sa asawang si Brayden James Faganello.

Image via Laura Hart Faganello | Facebook

Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Laura kung paano binago ng pagkawala ng kanyang alaala ang mga buhay nila. Aniya, dumating sa punto na napagod na siyang umasa na maaalala muli niya si Brayden at naisip niya na kailangan na niyang kumilos dahil hindi siya maaaring manatili sa isang pagsasama na ni hindi niya maalalang pinili niya.

“I eventually realized I had to make a choice. I couldn’t stay in a marriage that I didn’t remember choosing. It’s really hard to feel completely devoted to a marriage when you feel like you just woke up to it one day,” pag-amin niya.

Gayunman, dahil sa kabutihan ng kanyang asawa, naisip niyang makipag-date muli rito at doon ay napalapit muli siya sa kanya. Kuwento niya, sa kalaunan ay naging “best friend” niya ito hanggang sa naging “crush”, at sa ikalawang pagkakataon ay inibig niyang muli. Dalawang taon na rin ang lumipas simula noong maganap ang aksidente.

Bagama’t wala pa rin siyang maalala tungkol kay Brayden, at hanggang ngayon ay hindi pa rin niya maramdaman ang pagmamahal na nadama niya para rito noon, pinili pa rin ni Laura na magsimula muli ng isang kuwento ng pagmamahalan kasama ito. Sa kalaunan, nag-propose muli ito sa kanya; isang alok na kaagad naman niyang tinanggap.

Image via Laura Hart Faganello | Facebook

“I haven’t miraculously gotten my memory and all my old feelings for him back, but I have new feelings and new memories…. I said yes (again)! I’m so grateful for our new beginning and for the happy future we have ahead of us,” ani Laura.

Marami ang nagpahayag ng kasiyahan para sa kinauwian ng kanilang love story na nalagay sa matinding pagsubok.

 

Source :

Facebook