Aguinaldo vs Luna? AFP camp na nakapangalan kay Aguinaldo, nais ipangalan kay Antonio Luna




Mga imahe mula sa Wikipedia
  • Dalawa sa mga mahahalagang heneral sa ating kasaysayan sina Emilio Aguinaldo at Antonio Luna
  • Kahit parehong heneral, kasalukuyang nakapangalan kay Aguinaldo ang kampo ng Armed Forces of the Philippines
  • Isang kongresista ang nais baguhin ang pangalan ng kampo bilang pagpupugay naman kay Luna

Sina Heneral Emilio Aguinaldo at Heneral Antonio Luna ay kabilang sa mga magigiting na pinuno at bayaning Pilipino. Si Aguinaldo ay nagtagal ang buhay, habang si Luna ay nasawi agad sa panahon ng labanan ng mga Pilipino at Amerikano.

Imahe mula sa Wikimedia / Lt Jin Panganiban

At sa paglipas ng panahon ay unti-unti nating nalalaman ang mga lihim sa ating kasaysayan na siyang nagbibigay sa atin ng mga kadahilanan para bigyan naman ng mas mataas na pagkilala si Luna.

Kaugnay rito ang panukalang-batas ni Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel na House Bill No. 4047. Nakapaloob dito ang mungkahi niya na tawagin bilang General Antonio Luna Camp ang headquarters ng Armed Forces of the Philippines na kasalukuyang nakapangalan kay Aguinaldo.

Binigyang-diin ni Pimentel kung paano inilarawan ng mga historyador si Luna nang pamunuan nito ang Philippine Revolutionary Army noong panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano bago ito pinaslang noong Hunyo 5, 1899. Si Luna ay kinakilalang pinakamahusay na heneral sa mga panahong iyon ng ating kasaysayan.

Ayon sa report ng PhilStar, sinabi ni Pimentel na nararapat lamang na parangalan at mas kilalanin pa si Luna dahil sa patriyotismo at katalinuhang ipinamalas nito nang pamunuan ang hukb0ng-sandatahan ng Pilipinas.

Nilinaw naman ni Pimentel na hindi layunin ng kaniyang panukalang-batas na bawasan ang pagkilala kay Aguinaldo, na unang pangulo ng bansa.

Kung tutuusin umano, marami nang pagkilalang ginawa kay Aguinaldo, tulad ng 41.4 kilometrong Emilio Aguinaldo Highway.

Binanggit din ni Pimentel kung paano kinikilala ng magiting ding bayani na si Apolinario Mabini ang katapangan ni Luna. Aniya, kaya ganoon ang pamamaraan ni Luna sa pagbibigay ng resolusyon sa mga suliranin ay dahil iyon umano ang hinihingi ng sitwasyon noon.

Imahe mula sa Facebook page ni Rep. Johnny T. Pimentel

Maging ang mga opisyal ng US military sa mga panahong iyon ay kinilala ang katapangang ipinamalas ni Luna sa larangan ng pakikidigma.

Matatandaan na noong 2015 ay ipinalabas ang pelikulang Heneral Luna kung saan itinampok kung paano ipinamalas ng dating heneral ang kaniyang katapangan at kung paano siya naiiba sa iba pang heneral ng kaniyang panahon.

Source :

PhilStar