6-anyos na bata sa Masbate, hinangaan sa sariling paraan para mapagamot ang mata




Imahe mula kay Crisalyn Moreno | Facebook
  • Ikinagulat ni Crisalyn Moreno, ina ng anim na taong gulang na bata sa Masbate, ang pagnanais ng kaniyang anak na mapagamot ang sarili nitong mata
  • Hindi nito akalain na iniipon pala ni Johnrex ang sampung piso nitong baon na kaniyang natatanggap kada araw
  • Nais umano ng bata na mapagamot ang kaniyang mata para magkaroon ng magandang trabaho at mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang mga magulang balang-araw

 

Image capture mula sa Facebook video ni Crisalyn Moreno

Marami ang humanga sa determinasyon at pagpupursige ng anim na taong gulang na bata sa Masbate para mapagamot ang sarili at maayos ang kaniyang iniindang karamdaman sa mata.

Sa viral video na ibinahagi ni Crisalyn Moreno sa Facebook, makikita na kinakausap niya ang kaniyang anak para malaman kung saan napupunta ang sampung pisong baon na ibinibigay niya rito kada araw.

Laking gulat na lamang ng ginang nang may kinuhang supot ang kaniyang anak na si Johnrex na naglalaman pala ng pera na inipon nito mula sa kaniyang baon sa eskuwela.

Ayon kay John Rex, iniiipon niya ang perang galing sa kaniyang mga magulang para may magamit sa pagpapacheck-up ng kaniyang mata.

“Nakakadurog naman ng puso ang anak ko. Pinapagalitan ko lagi kapag nakikita kong malinis ang tasa niyang dinadala sa school dahil inisip ko binibili niya lang ng kung ano-ano,” pag-amin ni Crisalyn.

Hindi niya umano akalain na nag-iipon pala si Johnrex para mapasuri ang kaniyang mata sa espesiyalista.

I-click ang imahe para mapanood ang video

Dinagsa naman ng tulong ang pamilya ni Crisalyn matapos mag-viral ang kanilang video sa Facebook. Naging daan ito para mapatingin na sa doktor si Johnrex at mabuhayan muli ng pag-asa na maayos ang kaniyang mata.

Laking pasasalamat ni Crisalyn sa mga taong nag-share ng kaniyang video at taos-pusong tumulong para mapasuri ang kaniyang anak. Patuloy rin siyang nagbabahagi ng update tungkol sa pagpapagamot ng kaniyang anak.