WWII artifact? Ang kasaysayan sa likod ng bakal na bakod na ito




Image via Philippine Old Photos Collection Facebook page
  • Ang tila normal na bakal na bakod ay mayroon palang mas mahalagang gamit sa nakaraan
  • Marston mat kung tawagin, bakod kung ating ituring
  • Hanggang sa kasalukuyan, nananatili ang mapait at makulay nating kasaysayan

Mayaman ang kasaysayan ng Pilipinas bago pa man ito madiskubre ng ibang lahi. Sa pagdating naman ng mga dayuhan, hindi biro ang mga pinagdaanan at ipinaglaban ng ating mga ninuno.

Gayunpaman, hindi rin maikakaila na mas lalo pang nagkaroon ng kulay ang pamumuhay ng mga Pilipino na dulot na rin ng pananakop sa bansa kung saan maraming natutunan at maraming bagay ang naging parte na ng buhay ng karamihan na nakikita at sumasalamin pa rin hanggang sa kasalukuyan.

Image via Wikimedia Commons Public Domain

Sa paglipas ng mga araw, karamihan sa mga  ito ay nananatiling alaala na lamang ng kahapon.

Subalit nakatutuwa ring matuklasan na may mga bagay palang nariyan lang sa ating paligid na akala natin ay walang halaga, ngunit lingid sa ating kaalaman ay may nakapaloob palang kuwento ng ating nakaraan bilang mga Pilipino.

Gaya na lamang nitong bakal sa larawan na madalas nating makita sa bakuran, lalo na sa probinsya at nakapalibot sa mga lumang bahay.

Ito ay hindi basta-bastang bakal o bakod lamang dahil ito pala ay isang artifact mula pa noong 1940s o panahon ng WWII.

Image via Wikimedia Commons Public Domain

Ang tawag sa bakal na ito ay Marston Mat o pierced steel planking (PSP).

Ito ay ginamit ng mga sundalong Amerikano upang magsilbing daan sa kanilang mga pansamantalang paliparan. Ginagamit rin ito sa mga daanang mapuputik o ‘di kaya’y para sa mga mabibigat na sasakyan at makina.

Image via Ben Totanes (Wikimedia Commons)

Sa pagtatapos ng WWII, marami ang naiwang Marston mat sa bansa. Dahil na rin sa mga nasirang mga imprastraktura, naisipang gamitin ito bilang bakod sa mga pabahay at pangsuporta sa iba pang mga proyekto.

Hanggang ngayon, may mangilan-ngilan pa ring mga bahay na ginagamit ito bilang bakod. Talaga namang patunay ang tibay nito; ilang dekada man ang lumipas.