Wowowin sa kalye? Willie Revillame namigay ng papremyo sa mga ‘kalye boys’ na umaliw sa kanya

Screenshot mula sa Facebook video ni Adrian Gret
  • Viral ang isang video kung saan mapapanood ang tila nakapambahay na si Revillame habang inaaliw ng mga batang kalye
  • Humanga si Revillame sa kanilang sigla at pagkabibo kaya’t pinasaya rin niya ang mga bata

Sinasabing ang sikreto ng isang Willie Revillame sa pagiging matatag sa showbusiness ay ang kanyang karisma sa masa at pagiging matulungin sa mga ito.

Araw-araw nasasaksihan ang pamamahagi ng papremyo at paghahatid ng saya ni Revillame sa kanyang afternoon game show na ‘Wowowin.’ Ngunit sa isang viral Facebook video, hindi sa studio namahagi ng biyaya ang host kung hindi sa kalye.

Marami ang naaaliw ngayon sa video ng netizen na si Adrian Gret kung saan mapapanood ang tila nakapambahay na si Revillame habang inaaliw ng mga batang kalye na nag-uwi naman ng papremyo mula sa host dahil sa tuwang naibigay sa kanya ng mga ito.

Imahe mula sa Facebook video ni Adrian Gret

Nag-umpisa ang halos apat na minutong video ni Gret sa kuha ng mga batang isinisigaw ang mga pamosong segment ng programa ni Revillame tulad ng ‘Hep hep hooray’ at ‘Pera o kahon.’ Makikita ang tuwa sa mukha ng host kasama ang kanyang mga co-hosts na sina Hipon Girl Harlene at Sugar Mercado.

Maya-maya pa, ginaya na ng isa sa mga bata ang hosting skills ni evillame at umastang akala mo ay nagbibigay ng offer para sa ‘Pera o Kahon.’

Pinatunayan din ng mga tinaguriang ‘Kalye Boys’ na solid Wowowin viewers sila nang magbato ng mga tanong si Revillame sa mga ito patungkol sa kanyang top rating show.

“Anong oras?” tanong ni Revillame.

“Alas singko,” mabilis na sagot ng batang kalye.

“Anong channel,” sunod na tanong ng host.

“Seven,” tugon naman ng bata na umani ng sigawan mula sa mga miron.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Dito na bumunot ng salapi si Revillame at iniabot sa mga bata. Humanga naman si Revillame at ang mga netizens nang sabihin ng isa sa mga ‘Kalye Boys’ na hati-hati sila sa premyong ibinigay sa kanila.

Humirit ang isa sa mga ‘Kalye Boys’ na mag-a-audition daw sila kay Revillame para sa programa nito at biglang nagpasikat ng isang kanta habang mayroong nagbe-beatbox.

Nagmistulang mayroong party naman sa kalye kung nasaan ang mga bata at ang team ni Revillame dahil umawit pa ng rap song ang mga Kalye Boys.

Bandang huli, inabutan muli sila ni Revillame ng pera na labis namang ikinatuwa ng mga bata.

Iclick ang imahe upang mapanood ang video