High-tech! Waste management system na ipinadadaan sa ilalim ng lupa ang mga basura, ginagamit sa Finland

Larawan mula sa YouTube account ng MariMatic
  • Isang underground waste management system ang naimbento sa Finland upang maging mabisa ang pagkolekta ng basura sa kanilang bansa
  • Maliban sa hygienic at ligtas, environmental-friendly pa ito dahil gumagamit ng energy-saving technology
  • Nais din ng mga netizens na maipatupad ito sa Pilipinas ngunit nangangamba silang malaki ang magagastos para dito

Hindi maikakailang isa sa mga lumalaking problema ng mundo ay ang pagdami ng mga basura. Kinakailangan ng isang sistematikong pagkolekta ng mga basura upang maiwasan ang iba’t ibang masamang epekto ng ‘di wastong pagtatapon ng basura.

Dahil dito, maraming paraan na rin ang naisagawa at kasalukuyang nililikha ng mga eksperto; higit sa larangan ng teknolohiya.

Isa sa mga umaani ng papuri ang imbensyon ng isang kompanya mula sa Finland kung saan ang kanilang waste management system ay ipinadadaan sa ilalim ng lupa na tinatawag nilang MetroTaifun Automatic Solid Waste Collection system.

Larawan mula sa YouTube account ng MariMatic

Binuo ng kompanyang MariMatic, ang MetroTaifun solid waste system ay gumagamit ng pneumatic tubes para maipadala ang mga basura sa isang collection terminal kung saan pansamantalang maiimbak ang mga basura hanggang sa mapuno ang mga ito.

Sa unang tingin, tila normal na trash bins lamang ang MatroTaifun waste collection system na nahahati sa apat na kategorya: mixed waste, cardboard, paper, at biowaste. Ngunit pagkahulog ng isang mamamayan ng kanyang basura sa trash bin, imbes na maimbak ito sa maliit na lalagyan, dumidiretso ang mga ito sa mga tubo sa ilalim ng lupa patungo sa collection terminal.

Ayon sa MariMatic, ang mga tubo ng basura ay umaabot sa hanggang 2.5 miles kaya naman kahit gaano kalayo, ay maaaring marating ng basura ang designated na collection terminal nito.

Kapag napuno na ng basura ang mga trash bin sa collection terminal, automatiko silang napapalitan ng iba pang trash bins. Ang mga napunong trash bins naman ay automatiko ring dinadala sa mga waste processing centers.

Dagdag pa ng MariMatic, ang kanilang pneumatic conveying technology ay enery-saving kaya hindi lamang sila nakapagsasagawa ng isang sistematikong pagpoproseso ng mga basura, kung hindi nakatutulong pa sa pagtitipid ng enerhiya o kuryente.

Larawan mula sa YouTube account ng MariMatic

Umani ng papuri mula sa mga eksperto ang imbensyong ito ng MariMatic at inilarawang ang kanilang MetroTaifun solid waste collection system ay hygienic, mas ligtas, at mas environmental-friendly.

Namangha rin ang ilang Filipino netizens sa kakaibang sistemang ito at sana raw ay maipatupad rin sa Pilipinas. Gayunman, batid rin ng ilang social media users na malaking pondo ang gagastusin kung sakaling ipatupad rin ang underground collection system sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan, mayroon na ring sinisimulang katulad na proyekto ang MariMatic sa bansang Sweden, Norway, China, Saudi Arabia, at Denmark.