Toni Gonzaga, mapapanood sa Kapuso Network para isalaysay ang kanyang ‘Kwentong Bulaga’

Larawan mula sa Instagram account na Tgsagsspage’ at ni Joey de Leon
  • Matapos ang mahigit isang dekada, muling mapapanood si Toni Gonzaga sa GMA Network
  • Lalabas si Gonzaga sa Eat Bulaga kung saan naging host siya sa loob ng tatlong taon
  • Hanggang ngayon, proud dabarkads pa rin ang multimedia star

Ngayong taon ay nagdiriwang ng ika-40 na taon ang longest running noontime show na ‘Eat Bulaga’ na umeere sa GMA Network.

Bilang bahagi ng kanilang pagdiriwang ng anibersaryo sa telebisyon, muling ibinabalik ng Eat Bulaga ang mga segment na minahal ng kanilang loyal viewers; gayundin ang mga sikat na celebrity ngayon na nadiskubre sa kanilang mga pa-contest o ‘di kaya naman ay naging bahagi ng lumalaking ‘Dabarkads’ ng show.

Isa sa mga tinitingalang artista sa industriya na unang napanood sa Eat Bulaga ay ang Ultimate Multimedia Star na si Toni Gonzaga. Nakamit niya man ang kasikatang tinatamasa sa ABS-CBN, hindi naman maitatangging sa GMA Network at sa Eat Bulaga nagsimulang kuminang ang kanyang bituin.

Larawan mula sa Instagram account na Tgsagsspage

Kaya naman ngayong 2019, nakatakdang mapanood muli si Gonzaga sa Kapuso Network dahil isasalaysay niya ang kanyang ‘Kwentong Bulaga,’ isa sa mga paandar ng Eat Bulaga para sa kanilang ika-40 anibersaryo.

Sa isang Instagram post ng account na ‘Tgsagsspage’ na isang fan account ni Gonzaga, makikita ang isang larawan ng multimedia star na mayroong caption na “Kwentong Bulaga VTR shoot.”

Wala pang detalye kung ano ang magiging papel ni Gonzaga sa bagong segment na ito ng Eat Bulaga ngunit inaasahang isasalaysay niya rito ang kwento kung paano siya napabilang sa noontime show at paano binago nito ang kanyang buhay.

Commercial model si Gonzaga bago napasama sa Eat Bulaga noong 2002. Kasabay ng kanyang Eat Bulaga stint, naging isang Kapuso star din si Gonzaga at lumabas sa ibang GMA shows tulad ng ‘Bubble Gang’ at ang defunct teleserye na ‘Habang Kapiling Ka.’

Gayunman, matapos ang tatlong taon, napili ni Gonzaga na ituloy ang kanyang karera bilang host at aktres sa ABS-CBN kung saan ang una niyang naging proyekto ay ang ‘Pinoy Big Brother.’

Larawan mula sa Instagram account ni Toni Gonzaga

Kamakailan lamang, ibinahagi rin ni Gonzaga sa kanyang Instagram stories ang pinadala sa kanyang regalo ng Eat Bulaga kalakip ang isang sulat na nagsasabing proud ang noontime show sa mga narating niya bilang artista.

Ayon sa caption ni Gonzaga, proud dabarkads pa rin siya kahit wala na sa Eat Bulaga at habambuhay niya raw na tatanawing utang na loob sa noontime show ang kanyang pag-uumpisa bilang isa sa mga pinakamahuhusay na hosts sa Pilipinas.

Inaasahang ipalalabas ang ‘Kwentong Bulaga’ ni Gonzaga sa mga susunod na episode ng Eat Bulaga.