Taxi driver na nagsauli ng bag ng negosyanteng Koreano, binigyan ng 20% na pabuya ng dayuhan




Larawan mula sa YouTube video ng News5
  • Ibinalik ng isang taxi driver ang naiwang bag ng pasahero niyang dayuhang Koreano
  • Sa programa ni Raffy Tulfo naganap ang pagsasauli ng bag na may lamang P200,000
  • Bilang gantimpala, binigyan ng P40,000 ng dayuhan ang matapat na taxi driver

“Ang gumagawa ng mabuti ay ginagantimpalaan.”

Ito ang napatunayan ng isang matapat na taxi driver matapos nitong ibalik ang naiwanang bag ng Koreanong naisakay niya. Hindi inaasahan ng taxi driver na makatatanggap siya ng malaking halaga mula sa natulungang dayuhan.

Sa segment na ‘Solian ng Bayan’ ng trending radio show na ‘Raffy Tulfo in Action’ naganap ang pagbabalik ng naiwang bag ng businessman mula sa Incheon, South Korea na si Yeong Seon Cho mula sa taxi driver na si Lino Beruico na mula naman sa Quezon City.

Larawan mula sa YouTube video ng News5

Sa pangunguna ng host na si Raffy Tulfo, naibalik sa negosyanteng Koreano ang kanyang bag na naglalaman ng P200,000, pasaporte, at iba pang mahahalagang dokumento. Ayon sa driver na si Beruico, nang makita niya ang bag ng Koreano sa kanyang taxi, iniuwi niya muna ito at nagpatuloy muna sa paghahanapbuhay.

Kinabukasan, nagtungo si Beruico sa tanggapan ng News5 na nagsasahimpapawid ng radio show ni Tulfo. Nataon namang kliyente ng Philex Mining Corporation si Yeong na sister company ng News5 kaya napadali ang pag-contact nila sa dayuhan.

Laking tuwa at pasasalamat ng Koreano sa taxi driver dahil na-recover niya ang kanyang mahahalagang dokumento kabilang ang passport na kailangan niya para makauwi sa South Korea.

Nakatakda na ring lumipad pabalik ng Incheon ang 67 anyos na negosyante noong araw na ibinalik ni Beruico ang bag niya kaya hindi na sila naisalang pa sa mismong radio show at kinuhanan na lamang backstage ang turnover ng nawalang gamit.

Dahil sa tuwa, agad na sinabi ng Koreano na ibabahagi niya sa taxi driver ang 20 percent ng perang laman ng kanyang bag na ikinatuwa naman ni Tulfo at ng mga staff ng radio show.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Hindi naman napigilan ni Beruico na maging emosyonal dahil sa pabuyang natanggap. Ayon sa matapat na driver, malaking tulong ang halagang nakuha dahil hindi na niya magiging problema ang pagbayad ng upa ng kanyang tinitirhang bahay.

Matapos ang solian, umalis na rin ang Koreano dahil mayroon pa itong hinahabol na flight. Ayon naman sa host na si Tulfo, ito na raw ang pinakamalaking gantimpalang naibigay sa kanyang segment na ‘Solian ng Bayan.’