Larawan ng isang tatay na pasan ang lumpong anak papuntang eskwelahan, umantig sa puso ng mga netizens




Larawan mula sa Facebook account ni Joshua Lisaba
  • Umantig sa puso ng mga netizens ang larawan ng isang tatay na pasan ang lumpo niyang anak papasok sa paaralan
  • Grade 7 umano ang bata sa isang public high school sa San Jose del Monte, Bulacan
  • Humihiling ng tulong ngayon ang mga netizens para sa mag-amang larawan ng katatagan sa buhay

Para sa mga magulang, ang maitaguyod ang edukasyon ng kanilang mga anak, anumang hirap ang kanilang pagdaanan, ay isa sa mga pinakamalaking tungkulin nila sa buhay. Anumang trabaho ay pagsisikapang pasukin, maibigay lamang ang magandang kinabukasan para sa kanilang mga anak.

Kung ang hanap ay patunay ng mga sakripisyo ng magulang para sa edukasyon ng kanilang mga anak, isang larawan sa social media ang umaantig ngayon sa mga netizens dahil maliban sa pagpapaaral sa kanyang anak, kailangan niya ring pasanin ang responsibilidad na ihatid-sundo ang anak na mayroong kapansanan. Hindi ito nakapaglalakad.

Larawan mula sa Facebook account ni Joshua Lisaba

Viral ngayon ang Facebook post ng netizen na si Joshua Lisaba na makikita ang isang tatay na pasan ang kanyang anak na walang mga binti upang ihatid ito sa paaralan.

Ayon sa post ng netizen, sa Sto. Cristo National High School sa San Jose del Monte, Bulacan umano ihahatid ng ama ang kanyang anak para mag-aral. Sa komento ni Lisaba sa kanyang post, mag-aaral daw sa Grade 7 ang bata.

Kalakip ng mga larawan ng mag-ama, na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin tukoy ang pagkakakilanlan, ay nanawagan si Lisaba na kung kaya ay makapagpaabot ng kaunting tulong para sa mag-amang hindi nagpapatalo sa mga pagsubok ng buhay.

“Sana matulungan natin sila tatay at ang bata. Sana matulungan po natin siya walang binti at hinahatid-sundo po siya at laging pasan ng kanyang tatay para lang makapasok sa school,” panawagan ni Lisaba sa kanyang post na may halos 3,000 comments at shares na.

Larawan mula sa Facebook account ni Joshua Lisaba

Araw-araw umanong nilalakad ng mag-ama, umulan man o umaraw, ang daan patungo sa paaralan na nagpabilib sa maraming netizen.

Ayon sa kanila, isang malaking inspirasyon ang mag-ama upang mag-aral nang mabuti lalo na’t naibibigay ang pangangailangan nila at komportableng nakapapasok sa paaralan araw-araw.

Tumulong din ang maraming netizen upang mabigyan ng ayuda ang mag-ama at ginagawang i-tag ang iba’t ibang organisasyon at sangay ng pamahalaan. Hiling nila, sana raw ay mayroong mabuting puso na magbigay ng wheelchair o bike na higit na makatutulong sa kanila dahil may katandaan na rin si tatay na pumapasan sa kanyang anak.

Maging si Lisaba ay ipinadadala na umano ang larawan ng mag-ama sa mga samahan at politikong maaaring makatulong sa kanila.