Social media awareness, ituro sa mga estudyante – Sen. Grace Poe

Imahe mula sa Pexels
  • Sampung oras at dalawang minuto ang inilalaan ng mga Pilipino kada araw sa paggamit ng internet
  • Ang mga social media platforms ay kabilang sa mga most visited websites sa internet
  • Nais ni Senador Grace Poe na maging mulat ang mga estudyante sa wastong paggamit nito

Ayon sa Digital 2019 ng We Are Social at Hootsuite, nangunguna ang Pilipinas sa mga bansang naglalaan ng mas malaking oras sa paggamit ng internet. Naglalaan umano ang mga Pilipino ng sampung oras at dalawang minuto kada araw sa paggamit nito.

Imahe mula sa Facebook page ni Sen. Grace Poe

Ang iba’t ibang social media platforms, tulad ng Facebook, ay kabilang sa mga ‘most visited websites.’ Patunay lamang ito kung gaano kalawak ang impluwensiya ng social media sa buhay ng mga Pilipino. Makipag-ugnayan sa kapuwa ang pangunahing layunin ng mga social media app.

Gayunman, may mga pagkakataon na nagagamit ang social media sa maling paraan, tulad ng pagpapalaganap ng mga pekeng balita, cyberbullying, at online scam.

Dahil dito, nararapat lamang na maging maalam ang mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan, sa wastong paggamit ng social media.

Ito rin ang dahilan kung bakit nais ni Senador Grace Poe na maging bahagi ng edukasyon sa Pilipinas ang social media awareness. Isa sa Top 10 Senate Bills ni Poe para sa 18th Congress ang Social Media Awareness in Schools and Universities Act of 2019.

Ayon sa senador, ang paaralan ay angkop na lugar upang maimulat ang isipan ng mga kabataang Pilipino sa mundo ng social media. Nais niyang maituro sa mga estudyante ang kahalagahan ng responsable at produktibong paggamit ng social media.

Halimbawa na rito ang pagtuturo sa mga kabataan kung paano mangalap, magsuri, at magbahagi ng mga impormasyon.

Samantala, narito ang ilan sa mga dapat isaalang-alang sa paggamit ng social media:

Maging mapanuri sa mga impormasyon nababasa sa social media. Beripikahin kung ito ba ay tunay o pekeng balita sa pamamagitan ng pananaliksik sa iba’t ibang website ng mga mapagkakatiwalaang online news site.

Iwasang magpaskil ng mga pribadong impormasyon sa iyong social media. Maaari itong magamit ng mga kawatan sa paggawa ng mga pekeng social media account gamit ang mga impormasyon tungkol sa iyo.

Imahe mula sa Pexels

Huwag tumanggap ng friend request mula sa mga taong hindi mo naman talaga personal na kakilala. Suriin ding mabuti kung sinu-sino ang inyong mga common friends sa social media.

Para sa mga magulang, tiyaking namo-monitor ang social media activities ng inyong mga anak. Malaki ang inyong mga gampanin para mapanatili silang ligtas sa napakalawak na mundo ng internet.