Safe Spaces Act o “Bawal Bastos” Law laban sa iba’t ibang klase ng harassment, epektibo na

Image via Pixabay
  • “Bawal Bastos” isa nang batas sa ilalim ng administrasyong Duterte
  • Ang batas ay hindi lamang para sa mga kababaihan subalit para sa lahat ng mamamayang Pilipino upang kilalanin ang pagkakapantay-pantay ng bawat isa
  • Ang mga lalabag sa batas ay bibigyan ng karampatang parusa

Isang magandang balita ang hatid lalo na sa karamihan ng mga kababaihang Pilipino dahil sa wakas ay naisabatas na ang “Bawal Bastos” act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong April 17, 2019 subalit nitong July 15 lamang nailahad sa media at publiko ang kabuuang sakop nito.

Image via Pixabay

Ang “Bawal Bastos” Law o Safe Spaces Act sa ilalim ng Republic Act 11313 ay may layuning protektahan ang kahit sino mang mamamayan laban sa mapang-abusong tao sa mga pampublikong lugar.

Una na sa listahan na bibigyan ng parusa, ayon sa batas na ito, ay ang catcalling o street harassment. Ito ay tumutukoy sa pagtawag sa isang tao nang may halong malisya o pambabastos anuman ang kasarian nito.

Sa naturang batas, kasama ang online catcalling matapos makatanggap ng maraming reklamo na maging sa social media ay may mga nakalulusot pa ring mga pagmamalabis sa iba.

Bukod sa catcalling, kabilang sa mga mapang-abuso o nakababastos na mga gawain ay ang pagsipol, pag-aya o imbitasyon mula sa ‘di kakilalang tao, pagpapakita ng galit sa babae nang walang konkretong dahilan, pagpapakita ng negatibo sa mga transsexual o homosexual, pangungutya o pagpupuna sa pisikal na hitsura ng iba, pangungulit upang makakuha ng personal na impormasyon, malalaswang komento, panghihip0, at pagpapakita ng pribadong parte ng katawan.

Image via Pixabay

Kadalasan, mga kababaihan ang biktima ng iba’t ibang klase ng pambabastos subalit hindi nililimitahin sa mga kababaihan ang proteksyong kaakibat sa ilalim ng naturang batas dahil kinikilala ang pagkakapantay-pantay ng lahat.

Ang irereklamo at mahuhuli ay pagmumultahin ng P1,000, 12 oras na community service, at papupuntahin sa isang gender sensitivity seminar. Sa ikalawang paglabag sa batas, may multang P3,000 o pagkakakulong ng anim hanggang sampung araw. Samantalang ang ikatlong paglabag ay pagmumultahin ng P10,000 at 30 araw na pagkakakul0ng.

Image via Pixabay
Source :

Inquirer, GMA, PNA