Ryzza Mae Dizon, nagdiwang ng kaarawan at showbiz anniversary kasama ang mga Aeta sa Pampanga




Larawan mula sa Instagram account ni Ryzza Mae Dizon
  • Nagdiriwang ng ikapitong taon sa showbiz ang Eat Bulaga host na si Ryzza Mae Dizon
  • Isa sa mga naging pagdiriwang niya ay isang charity work para sa mga Aeta sa Pampanga
  • Namigay si Dizon ng school supplies at grocery packs sa mga katutubo

Pitong taon na ngayong 2019 sa showbiz ang dating Eat Bulaga child wonder at Little Miss Philippines winner na si Ryzza Mae Dizon. At bilang pagdiriwang ng kanyang anibersaryo sa industriya, minarapat niyang magbahagi ng kanyang blessings sa mga katutubong Aeta sa isang barangay sa Pampanga.

Ayon sa pinakabagong vlog ni Dizon sa kanyang YouTube channel, dinayo niya at ng kanyang pamilya ang Sitio Target sa Angeles, Pampanga upang mamahagi ng mga gamit pang-eskwela, pagkain, at grocery items para sa mga Aeta na naninirahan doon.

Larawan mula sa YouTube video ni Ryzza Mae Dizon

Sinabi ni Dizon sa kanyang vlog na matapos ang kanyang live comedy show na ‘Sunday PinaSaya,’ ay dumiretso sila sa Pampanga at nagbigay ng saya sa kanyang mga Dabarkads na katutubo.

Mainit na sinalubong ng mga Aeta ang team ni Dizon kahit hindi ganoon kaganda ang panahon. Inumpisahan ang munting programa ng isang awitin mula sa mga katutubo na siya namang masugid na binidyohan ng Eat Bulaga mainstay.

Matapos kantahan, nagkaroon ng pagkakataon si Dizon na magsalita at magpasalamat sa suportang ibinigay ng mga katutubo sa kanya at nagpunta pa rin sa paaralang pinagdausan ng event kahit makulimlim at may minsanang pag-ambon.

Ibinahagi ni Dizon na ang pamimigay niya ng gamit pang-eskwela at grocery sa mga katutubo ay isang paraan ng pasasalamat sa lahat ng biyayang natatanggap niya at ng kanyang pamilya mula nang pasukin niya ang showbiz.

“Ito po kasi… kaka-birthday ko lang po. So sine-share ko iyong mga blessings na binibigay ni Papa Jesus sa akin sa mga Dabarkads nating Aeta. So sana po enjoyin po nating lahat,” mensahe ni Dizon sa mga umattend ng kanyang charity event.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Kasunod nito, kinantahang muli si Dizon ng mga katutubo ng “happy birthday song” na sinundan na ng pamamahagi ng school supplies sa mga bata at isang bag ng grocery items naman para sa mga magulang na dumalo.

Kasama ni Dizon ang kanyang nanay na si Rizza sa pamimigay ng biyaya sa mga katutubo na madalas ding mapanood sa mga vlog niya.

Matatandaang galing sa hirap si Dizon na unti-unting nagbago ang buhay simula nang mapabilang sa longest running noontime show sa bansa, ang ‘Eat Bulaga.’