Ryan Agoncillo, nakipag-selfie kay Wowie De Guzman na dating katambal ng asawa niyang si Judy Ann Santos

Larawan mula sa Instagram post ni Ryan Agoncillo at Facebook page ng Eat Bulaga
  • Nag-picture si Ryan Agoncillo kay Wowie De Guzman nang mag-guest ito sa Eat Bulaga
  • Dating katambal ni De Guzman si Judy Ann Santos na asawa ni Agoncillo
  • Mistulang reunion din ang guesting ng original leading men ng classic telenovela na ‘Mara Clara’

Nagmistulang araw ng reunion at throwback ang pinakabagong episode ng longest noontime variety show na ‘Eat Bulaga!’ dahil nai-guest nila ang ilan sa mga tinitingalang matinee idols ng dekada 90s.

Naglaro sa segment na ‘Rush for Win: Slippery Stairs Philippines” ang original Mara Clara leading men na sina Wowie De Guzman at Christopher Roxas. Nataon namang naroon ang Dabarkads at host ng Eat Bulaga na si Ryan Agoncillo na asawa ni Judy Ann Santos na bumida sa nasabing classic teleserye.

Larawan mula sa Instagram account ni Ryan Agoncillo

Maliban sa sayang ibinigay ng 90s heartthrobs sa kanilang naging TV guesting, ikinatuwa rin ng maraming netizen ang Instagram post ni Agoncillo kung saan game na game na nakipag-selfie ang host kay De Guzman na dating on-screen loveteam ng asawa niyang si Santos.

“Today’s Rushers! Mara at Clara, kilala n’yo ba tong mga poging to?” sabi ni Agoncillo sa kanyang Instagram post kasama sina De Guzman at Roxas.

Agad namang tumugon ang original Mara Clara stars na sina Santos at Gladys Reyes sa post ni Agoncillo na umabot na sa halos 40,000 ang likes.

“Kilalang-kilala,” sagot ni Reyes na orihinal na gumanap na Clara at napangasawa ni Roxas na kapareha niya sa nasabing teleserye.

“Ayun o,” tugon naman ni Santos na kinikilalang ‘Queen of Pinoy Soap Opera.’

Larawan mula sa Facebook page ng Eat Bulaga

Naging patok ang loveteam nina Santos at De Guzman dahil sa ‘Mara Clara’ at nasundan pa ng iba’t ibang proyekto ang tambalan nila kabilang ang ilang pelikula at endorsements.

Gayunman, hindi naging real life partners sina Santos at De Guzman ngunit naging mabuting magkaibigan naman hanggang sa kasalukuyan. Naging asawa naman ni Santos ang nakapareha niya ring si Agoncillo at ngayon ay mayroon na silang tatlong supling.

Kinilig naman ang netizens sa ginawang pagse-selfie ng umano’y ‘past and forever’ ni Santos na sina Agoncillo at De Guzman.

Maliban kina Roxas at De Guzman, guest din sa nasabing episode ng Eat Bulaga ang kapatid ni Santos na si Jeffrey Santos na siyang nanalo sa sinalihan nilang palaro.