Resto Klasiks: Nabusog ka na ba sa “best tapa” ng Maty’s Tapsilog?

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila
  • Paboritong kainan ng tapa’t sinangag sa Paranaque itinampok
  • Ito ang  “Maty’s Tapsilog” na unang naitayo sa Don Galo, Parañaque City

Sadyang mahilig sa pagkain ang mga Pilipino, at “speaking” of pagkain, isa sa mga paboritong pagkain ng mga Pinoy ang “Tapsilog”, o mula sa mga salitang tapa, sinangag, at itlog.

Kung tapsilog at iba pang “silog” ang hanap mo, kailangan mong matikman ang “best tapa” ng isa sa mga kilalang tapsilugan sa bansa, na matagal na ring dinarayo ng mga suki: ang “Maty’s Tapsilog” na unang naitayo sa Don Galo, Parañaque City.

Kaya naman, marami sa mga netizen ang natakam sa tapsilog, matapos ibahagi ng isang netizen na si “Gladi Ce” ang lumang larawan ng Maty’s Tapsilog sa kanyang Facebook post sa “Memories of Old Manila”, na inilarawan niya bilang “classic”.

“The Best TAPA! Maty’s Dongalo. Kaway–kaway sa mga may alam niyan. Sobrang classic na niyan.”

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Marami naman sa mga netizens ang nagbigay ng reaksyon at komento sa naturang larawan. Marami ang nagbahagi ng kanilang karanasan sa pagkain sa naturang klasikong kainan.

“Sarap, sobra! Kakaiba ang sawsawan diyan, ketchup na may suka. The best sa tapa!

“Sa Parañaque ‘yan… madalas kaming kumain ng hubby ko diyan. Sobrang sarap ng tapa! The best talaga!”

“Sarap ng barbeque nila at mura pa, nakain kami lagi diyan kapag dumadaan kami pauwi ng Bacoor, Cavite. Pero marami na ring kalaban iyan sa paligid. Hindi pa rin natitibag.”

“Diyan nagsimula ang negosyong Tapsi. Way back 70’s napapadaan ako diyan. Marahil humina ang negosyo nila ng nagkaroon ng Coastal Road.”

Bukod sa tapsilog, dinarayo rin sa Maty’s ang barbecue, pansit canton, at iba pang mga “silog” na talaga namang patok sa panlasa ng mga parukyano. Kahit na marami na ring nagsulputang mga tapsilugan sa paligid ng Maty’s, dumadagsa pa rin ang mga “loyalista” sa naturang klasik na kainan.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Ang tapsilog ay umusbong sa kapanahunan ng 1970’s, na naging bahagi na ng menu ng mga karinderya hanggang sa mga sikat at mamahaling kainan sa bansa.

Dahil patok ito sa masa, maraming mga “tapsilugan” o kainang ang specialty ay tapsilog, ang umusbong. Maaaring gawing tapa ang karne ng baka o kabayo.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Bukod sa tapa, nakaisip din ang mga Pilipino na maaaring ipareha sa “silog” o sinangag (fried rice) at itlog na “sunny side up” ang pagkakaluto. Nariyan ang “longsilog” (longganisa), “tosilog” (tosino), “chicksilog” (chicken o pritong manok) at marami pang iba.